MGA TSUPER BINALAAN . . .Paniningil ng sobrang pasahe maaaring idahilan sa jeepney phaseout

MGA TSUPER BINALAAN . . .
Paniningil ng sobrang pasahe maaaring idahilan sa jeepney phaseout

Ni Tracy Cabrera

MANILA — Sa gitna ng patuloy ma pagtaas ng presyo ng langis, may mga report ng paniningil ng sobrang pasahe at iba pang pag-aabuso ng ilang mga public utility transport driver kaya nagbabala sa mga ito ang isang senatorial aspirant na baka gamitin ito kalaunan bilang argumento para mapabilis ang plano ng pamahalaan para sa panukalang jeepney phaseout.

Ito ang tinuran ni dating Philippine National Police (PNP) chief at senatorial candidate Gen. Guillermo Eleazar sabay sabing kailangan munang sumunod ang mga transport group sa patakaran ng gobyerno at bantayan ang kanilang hanay para mapigilan and kanilang mga miyembro na umabuso dahil baka ito ay bumalik sa kanila at makaapekto sa kanilang hanapbuhay.

Ginunita ni Eleazar na sa kasagsagan ng kontrobersiya sa plano ng jeepney phaseout, naglabas ang mga netizen at mananakay ng kanilang mga obserbasyon laban sa mag abusadong tsuper.

“Ang simpatya ng taongbayan ay nasa mga tsuper dahil sila ang labis na apektado ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis. Pero hindi ito dapat gamiting dahilan ng mga drayber para makapanlamang sa kapwa. Huwag na sanang umabot pa na ang hindi pagsusukli ng mga tsuper ay magamit laban sa kanila,” pinunto ng retiradong heneral.

“Maaari itong maging basehan o argumento para mapabilis ang pag-phaseout ng mga luma at tradisyunal na jeepney. Sa huli, mga drayber din ang apektado dahil marami sa kanila ang tutol sa jeepney phaseout,” dagdag nito.

Binanggit ng Partido Reporma ‘senatoriable’ na bilang bahagi ng public utility vehicle (PUV) modernization program ng pamahalaan, nilatag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang plano nitong i-phaseout ang mga jeepney at bus na tumatakbo na ng 15 taon o higit pa.

“Once the old and traditional jeepneys are removed from the streets, the government will replace them with safer and more environment-friendly vans and minibuses. Kung tutuusin, mga economic frontliners ang mga tsuper dahil sila ang nagdadala ng labor force sa mga trabaho nila upang gumalaw ang ekonomiya,” tinukoy ni Eleazar.

“Pero, ibang usapan na kapag sila naman ang umaagrabyado sa mga mananakay dahil sa sobra-sobrang paniningil sa pamasahe. Balang-araw kapag lumaki ang isyung ito ay sa mga jeepney operators at drivers din ang tama nito,” sabi pa nito.

Sa pagtatapos, nangako and dating Top Cop ng bansa na ipaglalaban niya ang mga karapatan ng bawat mamamayan at ipagpapatuloy din niya ang paninindigan sa wasto at paglaban sa masama at mali para maituwid tungo sa magandang kinabukasan ng sambayanang Pilipino. (ai/mtvn)

Leave a Reply