BABALA NI ELEAZAR:Alert Level 1 maaaring abusuhin ng mga sindikato

BABALA NI ELEAZAR:
Alert Level 1 maaaring abusuhin ng mga sindikato

Si retired Gen. Guillermo Eleazar. (Photo from General Eleazar’s Media Friends)

By Tracy Cabrera

MANILA — Sa balak ng pamahalaan na luwagan ang paghihigpit ng mga restriksyon sa ilalim ng Alert Level 1 status, nagbabala si Partido Reporma Gen. Guillermo Eleazar sa posibilidad na samantalahin at abusuhin ng mga sindikato para ibalik ang iligal nilang gawain.

Ayon sa dating Philippine National Police (PNP) chief Guillermo Lorenzo Eleazar, kailangang magsagawa ng hakbang ang mga ahensiyang pangseguridad ng pamahalaan para palakasin ang kanilang operasyon laban sa kriminalidad, partikular na ang kalakalan ng iligal na droga.

Ang panawagan ni Eleazar ay bunsod na rin ng pagkakasabat ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kasama ang ilang unit ng PNP at iba pang ahensya ng ₱1 bilyong halaga ng shabu sa isang drug raid sa Valenzuela kasunod ng paglansag sa itinurong shabu laboratory sa Caloocan City.

“Maaring indikasyon ito na nagkakalakas na naman ang mga sindikato ng droga dahil marami na naman silang mapag-bebentahan. At ngayong nagluwag na ang pamahalaan ng mga health measures ay samantalahin ito ng mga sindikato ng iligal na droga na lalo pang palakasin ang kanilang mga operasyon,” wika ng retiradong heneral.

Pinuri ni Eleazar ang nasabing operasyon na isinagawa ng mga awtoridad at gayun din ang pinalakas na ugnayan sa pagitan ng mga ahensiyang nagsasagawa ng operasyon kontra droga na dahilan nag matagumpay na raid nag PDEA at PNP.

Bukod sa dalawang ahensya, tumulong din dito ang Philippine Coast Guard (PCG), National Bureau of Investigation (NBI), Bureau of Customs (BoC), National Intelligence Coordinating Agency (NICA) at Armed Forces of the Philippines (AFP).

Noong direktor pa ng National Capital Region Police Office (NCRPO), pinasimulan ni Eleazar ang pagsasanib-puwersa ng PNP, AFP, NBI, PDEA at Bureau of Corrections (BuCor) sa pagbabantay sa mga convicted drug lord na nakapiit sa New Bilibid Prisons (NBP) at kanilang mga galamay na nakagagala pa.

Nang maging PNP chief naman, pinamunuan niya ang pagbuo ng PNP at PDEA ng coordination protocol, na kauna-unahan sa loob ng halos dalawang dekada, para hindi magkaroon ng misencounter sa kanilang mga tauhan.

Ang naturang protocol, pati na ang pagsali ng iba pang ahensiya sa operasyon kontra droga, ay nagresulta sa pagkakumpiska ng mahigit P6 bilyon halaga ng iligal na droga sa serye ng mga operasyon sa Zambales, Bataan at Cavite noong Setyembre 2021. (ai/mtvn)

Leave a Reply