Sanlinggong kilos-protesta kontra oil price hike, ikinasa ng Anakpawis

Sanlinggong kilos-protesta kontra oil price hike, ikinasa ng Anakpawis

Manila — Sa walang katapusang pagtaas ng presyo ng produktong langis at pag-abang sa gahiganteng pagtaas sa Martes, wala ring katapusan ang pagtutol ng Anakpawis Party-list at nagkasa ito ng sanlinggong mga pagkilos para hikayatin ang mga maralita na ipahayag ang kanilang pagkadismaya sa kainutilan ng gubyernong Duterte para pigilan ito.

Pinasimulan ito ng grupo sa kanilang press conference sa mismong terminal ng jeep sa kanto ng Katipunan Avenue at Aurora Boulevard sa Quezon City, na binuo ng mga speakers mula sa sektor manggagawa, drayber, magsasaka, mangingisda at mga maralitang tagalungsod. Iniladlad din dito ang isang malaking signboard ng jeepney, kasama ang walang lamang “takatak” o kahong lalagyan ng kita ng mga drayber, at wallet.

“Hindi na kailangang ispelingin na ang tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo ng produktong langis mula pa huling kwarto ng nakaraang taon ay sagad nang nagpapahirap sa mga maralitang pamilya sa bansa. Ang isyu na ngayon ay kung ano ang dapat gawin, at nahaharap tayo sa isang gubyernong walang ginagawa kahit malawak na ang panawagan ng mamamamayan na i-suspinde ang excise tax at VAT sa mga produktong langis, para bumaba ang presyo nito,” ani Lana Linaban, Anakpawis Party-list National Vice-President at second nominee sa press conference.

Siya rin Secretary for Political and External Affairs ng Kilusang Mayo Uno.

Noong nakaraang linggo, pinangunahan ni Linaban ang “Ulat Alta-presyo” sa isang palengke sa Quezon City para alamin ang mga presyo ng pangunahing bilihin dulot ng pagtaas ng presyo ng produktong langis. Ipinakita niya na halos lahat ng pagkain ay tumaas na ang presyo, at mas malalang tataas pa ito dahil nga masusundan pa ng mas malalaking pagtaas ng presyo ng produktong langis.

Sinaliksik ng Anakpawis na sa buong bansa, tumaas ang presyo ng pagkain ng 11-14% mula 2019 hanggang Enero 2022. Pinakamataas sa Central Visayas sa 14%, Calabarzon at Bikol sa 13%. Ang bigas ay nanatiling mahal sa P37-38 kada kilo, habang ang presyo ng gulay ay sumirit na at tumaas ng halos 70% sa Western Visayas, ang presyo ng karne ng 31% sa Cagayan Valley, isda ng 33% sa Zamboanga Peninsula, prutas ng 33% sa Bikol at asukal hanggang 6%.

Mula Enero 2021 hanggang Pebrero nitong taon, tumaas na ang presyo ng produktong langis, na P21 kada litro sa diesel, at P18 sa gasolina, P8 sa kerosene, at pinakamalala ay nagbabadya pa ang patuloy na pagtaas.

Mula Pebrero 24 hanggang Marso 10 naman, umabot na sa P4.50 ang itinaas sa gasolina, P6.65 ang itinaas ng diesel at P4.85 sa kersone. Kasunod nito sa Martes, ang nababalitang P12.72 kada litro sa diesel, at P8.28 sa gasolina.

Ayon sa mga sektor sa ilalim ng Anakpawis, mula pa nakaraang taon, nadagdagan na ng P16,620 ang dalawang buwang gastusin ng mga driver para sa 20 litrong diesel, ang mga magsasaka ng mahigit P7,500 kada ektarya para sa land prep at irigasyon, mga mangingisda ng halos P9,000 kada buwan, ang mga gumagamit ng 11-kg na tangke ng LPG ng mahigit P110.

“Hinihikayat namin ang malawak na mga sektor maralita na kumilos para rin sa kanilang interes, mga pamilya, at buong sambayanan. Ang mga antas ng pagtaas ng presyo ng produktong langis ngayon ay lalo pang magtutulak sa mas malalang pagkakabaon sa utang, kahirapan at kagutuman. Kaya ang Anakpawis ay naghanay ng mga aktibidad na sana ay samahan ng mga apektadong sektor,” paghihimok ni Linaban.

Nakahanay sa kanilang mga aktibidad ang mga:

  • Martes, “Protestang Bayan Laban sa Oil Price Hike” sa Maynila;
  • Miyerkoles, pagkilos para sa ayuda sa tanggapan ng Department of Social Welfare and Dev’t;
  • Huwebes, protesta sa tanggapan ng Meralco sa Quezon City kontra pagtaas ng singil sa kuryente; at
  • kilos-protesta sa kongreso para sa P750 National Minimum Wage; at
  • Biyernes, bilang lundo, ang Pambansang Araw ng Protesta laban sa Oil Price Hike sa Maynila.

(Kiara Lauren Ibanez/BENJAMIN CUARESMA/ai/mtvn)

Leave a Reply