25 alkalde sa Nueva Ecija nagpahayag ng suporta sa UniTeam

25 alkalde sa Nueva Ecija nagpahayag ng suporta sa UniTeam

MANILA — Dalawampu’t-limang alkalde mula sa Nueva Ecija ang nagpakita ng solidong suporta kay presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at running mate na si Inday Sara Duterte.

Ayon kay Dindo Dysico, tumatakbong board member ng ikalawang distrito, na nagkaisa sila sapagkat nakita nila na sina Bongbong at Sara ang mga lider na magdadala ng kaunlaran at pagkakaisa hindi lamang sa kanilang probinsya kundi maging sa buong bansa.

“Kahit iba-iba sila ng Partido, nagkakaisa sila sa pagbibigay ng suporta kina BBM at Mayor Sara,” sabi ni Dysico.

Kinumpirma rin ito ng ilang alkalde kasama ang dahilan kung bakit sila naniniwala sa mensahe ng pagkakaisa ng UniTeam.

Sinabi ni Licab Mayor Femi Domingo na iboboto ng kanilang bayan si Marcos at Duterte dahil hindi nila makalimutan ang tulong na binigay sa kanila noong 2018 ng sila ay tamaan ng malakas na bagyo.

“Mga isa o dalawang buwan bago kami binagyo, nandito siya one whole day dahil nagsagawa ng recount dito. Nung dumating ‘yung bagyo, binaha kami at problema namin pati bigas,” sabi ni Domingo.

“Tumawag lang ako sa isa sa mga staff niya. Sinabi niya magpapadala daw sila ng bigas. Kinabukasan, dumating na ‘yung mga bigas. Madali siyang lapitan at talagang maaasahan mong mabilis magbigay ng tulong,” dagdag pa niya.

Para naman kay Carranglan Mayor Mary Abad, naniniwala siya na ang UniTeam ang makakatulong sa bansa upang makaahon at mas lalong umunlad.

Bilib din si Abad sa pinapakitang karakter ni Bongbong sa kabila ng mga paninirang binabato sa kanya ay mas pinili niya na ihatid ang mensahe ng pagkakaisa keysa sa pagkakawatak-watak.

“Naniniwala kami sa kanyang kakayahan na pamunuan ang ating bansa. Habang sinisiraan siya, lalo lang siyang nagugustuhan ng mga tao,” dagdag pa nito.

Sinabi naman ni Talugtug Mayor Pacifico Monta, na malaki ang pasasalamat niya sa dating pangulo na si Ferdinand E. Marcos dahil sa mga lupa na ginawad nito sa kanyang mga nasasakupan.

“Sa bayan ko, aawayin ka ng tao kapag hindi ka BBM. Marami rin kasi kaming mga Ilocano doon at malaki rin ang utang na loob namin kay Presidente Marcos noon dahil kung hindi dahil sa kanya hindi magkakaroon ng sariling lupa ang marami sa mga taga-Talugtug,” sabi ni Monta.

Samantala, sinabi naman ni Nampicuan Mayor Victor Badar na hindi mapipigilan ang suportang binibigay ng mga tao para sa UniTeam.

“Hindi mo mapipigilan ang gusto ng mga tao,” wika nito.

Si Governor Aurelio Umali naman ay mainit ang naging pagtanggap sa UniTeam.

Nagsagawa rin siya ng mini-rally sa kanyang headquarters para sa mga taga-suporta ni Marcos at Sara.

Ilang pastor mula sa iba’t ibang kongregasyon sa Nueva Ecija ang kinausap ng dalawa kung saan binigyan, hindi lang sila, pati na rin ang UniTeam senatorial line- up ng basbas.

“Today is a day of celebration because we believe that the leader, the best leader of our land should be filled with the grace of God. And today it is an honor, an honor to thank You if they will be elected. They will be elected,” sabi ni Umali.

Ang mga bumisitang pastor ay mula sa Alliance of Ministers and Ministries of Nueva Ecija, Nueva Ecija Prayer Warriors, at New Sow Center.

Kasama rin sina Migz Zubiri, Rodante Marcoleta, Jinggoy Estrada, Loren Legarda, Harry Roque, at Larry Gadon sa UniTeam tandem sa kanilang pagbisita sa lalawigan ngayong araw.

Leave a Reply