Kandidatura ni Eleazar suportado ng kabataan

Kandidatura ni Eleazar suportado ng kabataan

Matamang nakikinig sa talumpati ni Partido Reporma senatorial candidate Gen. Guillermo Eleazar ang ilang mga kabataan sa isang pagpupulong. (Photo supplied)

Ni Tracy Cabrera

MANILA — Umani ng suporta mula sa kabataan si Partido Reporma senatorial candidate Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar sa pagkakahayag ng pagkilala sa kanyang kandidatura ng ‘Youth for Eleazar’ movement, na isang independent organization na may mga miyembro mula Luzon, Visayas, at Mindanao.

Nakipagdiyalogo ang dating hepe ng Philippine National Police (PNP) sa isang virtual ‘meet-and-greet’ virtual conference sa kanyang mga tagasuporta mula sa iba’t ibang mga student council at organisasyon sa mga unibersidad at kolehiyo.

Maging ang Sangguniang Kabataan (SK), artists’ at young professionals’ sector, Muslim community, LGBTQIA+ (Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender, Queer, Intersex, and Asexual) at iba pang grupong kinabibilangan ng mga kabataan ay nakiisa rin sa pulong.

Inilatag ni Eleazar sa diyalogo ang kanyang legislative agenda na kinabibilangan ng proteksyon at empowerment para sa kabataan, kabilang na ang mga reporma sa eleksyon, governance at financial independence para sa SK, suporta sa mga estudyanteng atleta, tulong pinansyal sa mga estudyanteng nasa larangan ng agrikultura at pangingisda at tulong sa kabataang nasa larangan ng paggawa ng pelikula.

Sinagot din ng retiradong heneral ang ilang tanong ng mga tagasuporta, gaya ng kanyang opinion ukol sa Anti-Terrorism Law na sinisisi sa pag-‘red tag’ sa ilang grupo ng kabataan.

“Ang Anti-Terror Law ay dumaan sa masusing pag-aaral ng ating Kongreso and we know for a fact na itong Lower House at Upper House ay pinag-aralan nila iyan. Ito rin ay nahambing sa mag kahintulad na batas sa iba’t ibang bansa. In fact, after its passage, ito ay kinuwestyon pa sa Supreme Court at ang Supreme Court ay naglabas ng desisyon na sinasabing ito ay ligal at puwedeng ma-implement except sa ilang mga probisyon,” punto ni Eleazar.

“Naniniwala ako na ito ay kailangan natin para sa proteksyon ng nakararami. Ang safeguards nito ay embedded at kasama sa batas na ito. Kung sakali man na tayo ay mahalal sa Senado, nandoon tayo para sa oversight function,” dagdag nito.

“Ako ay naninindigan bilang dating PNP chief na mabigyan ng proteksyon ang mga kababayan natin pero hindi ako pumapayag sa pagmamalabis ng mga namumuno sa ating pamahalaan. Through the oversight function of the Senate, sisiguraduhin natin ang proper implementation nito aside from the safeguards na kasama na sa batas na ito,” sabi pa ni Eleazar. (ai/mtvn)

Leave a Reply