Eleazar nanawagang ipagpaliban muna ang jeepney phase out

Eleazar nanawagang ipagpaliban muna ang jeepney phase out

Tutol ang mga tsuper at operator sa Public Utility Vehicle Modernization Program ng pamahalaan. (Larawan mula sa British Broadcasting Corporation)

Ni Tracy Cabrera

MANILA — Nanawagan si Partido Reporma senatorial candidate Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar na huwag munang ituloy ang Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program kung saan kabilang ang pag-phaseout sa mga lumang jeepney at bus para mabigyan ng pagkakataong makabangon ang sektor ng transportasyon sa epekto ng mga Covid-19 lockdown at pagtaas ng presyo ng petrolyo.

Ayon sa dating hepe ng Philippine National Police (PNP), “bugbog-sarado na ang mga tsuper at operator ng mga pampublikong sasakyan dahil sa kakulangan ng kita sa nagdaang dalawang taon ng pandemya at sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

“Sa totoo lang, ngayon pa lang sila nagsisimulang bumawi pero kung itutuloy ang jeepney phaseout, parang pinukpok na ng gobyerno ang huling pako sa kabaong ng mga kababayan nating naghihirap,” pinunto no Eleazar.

“Mainam kung magkaroon ng diyalogo sa pagitan ng pamahalaan at mga transport group para pag-usapan kung saan sila pwedeng magkompromiso. Naiintindihan natin ang layunin ng gobyerno sa programang ito pero sana ay makunsidera din nila na kailangan din ng tulong ng ating transport sector lalong-lalo na sa panahon ngayon,” dagdag nito.

Noong 2017, inilunsad ng Department of Transportation (DoTr) ang PUV Modernization Program para gawing mas epektibo at environment-friendly ang mga pampublikong transportasyon. Layon nito ngayong mapalitan lahat ng mga van o mini-bus, tradisyunal na jeepney at bus ng mga makabagong sasakyan simula sa susunod na buwan.

Subalit tutol sa agarang pagpapatupad nito si Eleazar dahil maaari umanong hindi kayanin ng mga operator at driver ang mga loan na alok ng pamahalaan para makabili ng mga modernong jeepney at bus.

“Iba na ang situwasyon ngayon dahil pinadapa ng pandemya at patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo ang ating ekonomiya. Ngayon ay tiyak na mas maraming tsuper at operator ang magsasabing hindi nila kayang bilhin ang mga makabagong sasakyan dahil pihadong malulubog sila sa utang,” aniya.

Isa ang transport sector sa mga pinaka-apektadong grupo nang ipatigil ng pamahalaan ang pampublikong transportasyon noong 2020 upang mapigilan ang pagkalat ng Covid-19. Mabagal na nakabawi ang sektor noong 2021 pero kasunod nito’y sumirit na naman ang presyo ng produktong petrolyo dahil sinalakay ng Russia, na isang malaking oil producer, ang katabing bansa nitong Ukraine.

Tinatayang magkakaroon pa ng ₱12 na pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo ngayong linggo at dahil dito, inaasahang aabot sa ₱83 kada litro ang diesel at ₱94 kada litro ang gasolina. (AI/MTVN)

Leave a Reply