Kita sa E-Sabong idagdag sa ‘ayuda’ para sa mahihirap — Eleazar

Kita sa E-Sabong idagdag sa ‘ayuda’ para sa mahihirap — Eleazar

Matamang binabati ni dating PNP chief at Partido Reporma ‘senatoriable’ Gen. Guillermo Eleazar ang isang senior citizen na naka-wheelchair sa isa sa kanyang mga provincial sorties. (Photo supplied)

Ni Tracy Cabrera

MAKATI CITY, METRO MANILA — Iminungkahi sa pamahalaan ni Partido Reporma senatorial candidate retired general Guillermo Eleazar na dagdagan ang ₱200 ayuda sa mga mahihirap na pamilyang apektado ng pagtaas ng presyo ng langis, gamit ang bahagi ng kita mula sa online sabong.

Ayon dating Philippine National Police (PNP) chief, mahalagang magsagawa ng inisyatibo ng administrayong Duterte na ibigay ang naturang ayuda pero sadyang hindi sapat ang ₱200 para makamit ang layong makatulong sa apektadong mamamayan.

“I understand the decision of the President dahil nasa panahon tayo ng kagipitan at yung revenue na mawawala ay malaking tulong rin ito sa pagbibigay ng ayuda o anumang serbisyo sa ating mga kababayan,” punto ni Eleazar.

“Ang maimumungkahi na lang natin dito ay siguro yung portion ng nakukuha sa e-sabong na revenue ay maidagdag sa ayuda sa ating mga kababayan that belong to the vulnerable sector dahil napakaliit ng P200 na ibibigay sa kanila on a monthly basis,” dagdag nito.

Una nang tinanggihan ni Pangulong Duterte ang mga mungkahi na suspendehin ang online sabong, dahil malaki aniya ang mawawalang revenue na pumapasok sa pamahalaan.

“Mamimili ako ngayon, na mawala income by the billions. Sayang eh, wala tayong pera. We’re short on money,” paglilinaw ng Pangulo.

Naglabasan ang mga mungkahi na ipahinto ang e-sabong kasunod ng mga serye ng pagkawala ng 34 na mga sabungero sa Maynila, Rizal, Batangas at Laguna simula noong nakaraang taon.

Dati nang hinimok ni Eleazar ang PNP na tiyaking malulutas ang mga kaso, dahil nakasalalay dito ang trust and confidence ng mga Pilipino sa pulisya.

Inamin naman ni finance secretary Carlos Dominguez na hindi nga sapat ang ₱200 ayuda pero iginiit ng kalihim na iyon lang ang kayang ipaluwal ng gobyerno sa ngayon.

Ayon pa kay Dominguez, aabot sa ₱33.1 bilyon ang kakailanganin para sa ayuda.

“Anumang ayudang dumating ay dapat pa ring ipagpasalamat dahil mas maigi na ito sa wala. Pero hanggang hindi ito ibinibigay ng ating pamahalaan ay nananatili ang aking pag-asa na sana ay madagdagan man lang ito dahil saan nga ba naman aabot ang P200,” ani Eleazar.

“Kung bilyon-bilyon ang nakukuha sa e-sabong, ano ba naman ang kumuha tayo kahit konti doon para ipandagdag na tulong sa ating mga naghihirap na kababayan,” sabi pa ng heneral.

Iminungkahi din nito na dapat maglaan ang mga local government unit (LGU) ng pondo para sa mga nasasakupan upang madagdagan ang ayudang maipapamahagi ng pamahalaan. (ai/mtvn)

Leave a Reply