PNP, NBI, PDEA INTEL OPERATIVES SANIB PUWERSA VS PARTY DRUGS

PNP, NBI, PDEA INTEL OPERATIVES SANIB PUWERSA VS PARTY DRUGS

Ni Arwen Pascua

MANILA — Makaraan ang pagkasabat sa 1.5 metrikong tonelada ng shabu sa Infanta, Quezon, nagsanib-puwersa na ang Philippine National Police, National Bureau of Investigation, at Philippine Drug Enforcemant Agency (PNP-NBI-PDEA) para madiskaril ang pagkalat ng droga.

Ngayong lumuwag na ang galawan at inaasahan ang kabi-kabilang kasiyahan o party dahil bakasyon, uunahan na ng PNP ang masasamang elemento ng lipunan, ang mga drug pusher at party drug sellers.

Ito ang pagtiyak ni PNP Spokesperson, PCol. Jean Fajardo, at alinsunod sa direktiba ni PNP Chief, Gen. Dionardo Carlos, na ang mga detachment commander ay may mahigpit na koordinasyon sa local government units upang bantayan ang kanilang nasasakupan laban sa mga masamang loob.

Ipapakalat din anya ang mga intel operatives na maghihimok sa mga party goer lalo na sa kabataan na tumikim ng droga.

Habang mahigpit din ang koordinasyon ng PNP sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) upang sawatain ang mga drug pushers.

“Kasama ang kampanya laban sa party drugs sa magiging security measures na ilalatag
ng PNP kasama ‘yung PDEA, ‘yung mga NBI operatives natin. May mga magpapakalat tayo diyan ng ating mga intelligence operatives na naka-civilian para magmasid-masid dahil hindi talaga maiiwasan lalo ngayon na medyo lumuwag ‘yung restrictions,” ayon kay Fajardo.

Ang hakbang ng pagpapakalat ng intel operatives at ahente ng PDEA ay kasunod na nitong mga nakaraang araw ay bulto-bulto ang mga droga na nakukumpiska.

Halimbawa rito ay ang 1,5 tonelada ng droga sa Infanta, Quezon noong isang linggo na ibiniyahe sa karagatan at kinuha ng tatlong puting van, sampung lalaki ang inaresto sa nasabing insidente.

Samantala, sinabi ni Fajardo na kaya talamak ngayon ang droga ay dahil lumuwag na rin ang galawaan kaya naman pinaigting nila ang intelligence gathering.

“Napansin natin sa mga nagdaaang araw at panahon ay marami tayong nakukuha na malalaking volume ng illegal drugs at isa sa mga nakikita naming contributing factor kung bakit marami tayong nakukuhang mga drugs ngayon dahil lumuwag na ang restrictions, so, may mga pumasok na malalaking volume at ‘yan ‘yung iniiwasan natin kaya isa ‘yan sa pagtutulungan ng PDEA, NBI at PNP na hindi tayo malusutan ng mga party drugs na ‘yan,” dagdag pa ni Fajardo. (ai/mtvn)

Leave a Reply