Vendors nagulantang, Divi Mall ibinenta ng Manila City Hall sa halagang P1.5-B!

Vendors nagulantang, Divi Mall ibinenta ng Manila City Hall sa halagang P1.5-B!

Ni Val Leonardo

MANILA — Nagpasaklolo ang mga negosyante sa Divisoria Mall nang makatanggap sila ng liham buhat sa Market Administration office na may petsang Nobyembre 11, 2020 at ipinagbigay sa kanilang kaalaman na isasara ang Divisoria Public Market simula Enero 31, 2021 upang magbigay- daan sa gagawing konstraksiyon sa bagong itatayong gusali sa bahagi ng apat na kalye sa Binondo, Manila.

Inabisuhan din ang mga vendor na i-turn-over ang kanilang mga puwesto o stalls sa naturang tanggapan upang maiwasan ang anumang abala sa Tabora St. Sto. Cristo, Comercio St. at M. De Santos sa Binondo.

Nakalahad din sa natanggap na liham ng mga vendor na kung mayroon silang updated permits at licenses maaari silang makakuha ng stalls sa Pritil Market sa pamamagitan ng pagsusumite ng application sa Market Administration office bago ang closure ng Divisoria Public Market.

Ayon sa mga vendor, nagulat na lamang sila na naibenta na pala ang naturang palengke sa Festina Holdings, Inc. sa halagang P1,446,966,000.00 ng lungsod ng Maynila.

Napag-alaman na nagkaroon ng karapatan ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila na nirerepresenta ni Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso, na ibenta sa pamamagitan ng public auction ang nasabing palengke.

Ayon kay City Administrator Felix Espiritu, kung hindi makakukuha ng ibang pwesto wala sila magagawa rito.

Binalaan din sila ni Espiritu na huwag tangkaing magtinda sa bangketa at kung hindi mapipilitan silang hulihin ng mga kapulisan.

Pumalag naman ang may 100 miyembro ng kooperatiba sa nasabing mall na matindi rin maapektuhan ng naturang bentahan.

Ayon pa sa mga vendors, na hindi naging makatwiran ang isinagawang bentahan dahil ginawa ito sa panahon ng pandemya.

Isa sa ginawang dahilan ng nasabing bentahan na gagamitin ang mapagbebentahan bilang pondo para sa implementasyon ng City’s Action Plan laban sa Covid-19 at iba pang pampublikong serbisyo at programa ng lungsod.

Sadyang nagtataka ang mga vendor kung bakit nakalikha ng batas na inisponsoran ni Konsehal Joel R. Chua, Majority Floor Leader, na naipasa sa Konseho upang magkaroon ng karapatan ang alkalde ng lungsod na maipagbili ang isang ‘patrimonial property’ sa Maynila at nilagdaan nina Vice Mayor Maria Shielah ‘Honey’ Lacuna-Pangan, Presiding Officer City Council, Manila; at Ernesto C. Isip, Jr., President Pro-Tempore and Acting Presiding Officer City Council, Manila.

At hindi ito kaagad nakarating sa kaalaman ng vendors ng Divisoria Public Market, na nagkaroon na ng bentahan.

Lumapit na rin ang mga naturang vendors sa Senado at Malakanyang na gawan ng kaukulang aksyon ang kanilang naging suliranin sa naganap na bentahan dahil karamihan sa kanila dekada nang nagtitinda sa nasabing palengke. (ai/mtvn)

Leave a Reply