Food security cluster, post-harvest facility pinahalagahan ni Eleazar

Food security cluster, post-harvest facility pinahalagahan ni Eleazar

By Tracy Cabrera

Partido Reporma ‘senatoriable’ Gen. Guillermo Eleazar poses with two of his supporters. (Photo suplied)

MAKATI CITY, METRO MANILA — Isinusulong ni Partido Reporma senatorial candidate retired General Guillermo Eleazar ang pagbuo ng isang inter-agency cluster na tutulong sa mga magsasaka na mailuwas sa sentro ng distribusyon ng pagkain ang kanilang mga produkto bilang pagtugon sa pangamba ng problema sa seguridad ng supply ng pagkain sa buong bansa sa gitna ng nagpapatuloy na problema ng Covid-19 pandemic.

Ayon sa dating hepe ng Philippine National Police (PNP), makakatulong ang pagkakaroon ng isang inter-agency cluster hindi lamang sa pagtiyak na may pagkaing makararating sa mga sentro ng urbanidad tulad ng Metro Manila kundi maging sa pag-iwas sa malakihang pagkasayang ng mga produktong agrikultura na labis na pinanghihinayangan ng mga magsasaka’t mangingisda.

“Sa agrikultural na bansa tulad ng Pilipinas, kabalintunaang maituturing na kung sino pa ang mga nagtatanim at nangingisda ay sila pa halos ang walang makain,” ikinatuwiran ni Eleazar.

“Kaya dapat itaas natin ang dignidad ng ating mga magsasaka at mangingisda. Isa sa aking naiisip ay ang pagtatatag ng food security cluster na tutulong sa ating mga manggagawang agrikultural mula sa pagtatanim o pangingisda hanggang sa pag-ani ng mga produkto at pagdala nito sa ibang lugar lalo na sa siyudad,” dagdag pa ng retiradong heneral.

Aniya, sa ganitong paraan ay matitiyak din na kikita ang mga nasa sektor ng agrikultura o ‘di kaya’y makakabawi man lang sila sa kanilang kinapital sa pagtatanim o pamamalakaya.

Sinang-ayunan din ni Eleazar ang mungkahi nina presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson at vice presidential bet Vicente ‘Tito’ Sotto III na dapat ay bilhin ng pamahalaan ang hindi bababa sa 50 porsiyento ng produkto ng mga magsasaka’t mangingisda.

“Dapat ay may kasiguraduhan na ang mga produkto ng ating mga mangingisda at magsasaka ay may pupuntahan at hindi basta mabubulok na lang,” wika nito.
Kamakailan lamang, napilitan ang mga nagtatanim ng sibuyas sa Nueva Ecija na itapon na lang ang kanilang ani dahil hindi nabili ang mga ito ng negosyanteng dati’y namimili ng kanilang mga produkto. Kasalukuyang ibinibenta sa farm gate price na P30 bawat kilo ng sibuyas at naipapasa ng mga nasa palengke sa halagang P60.

Subalit ayon sa mga magsasaka, hindi pa rin nabibili lahat ng kanilang inaani sa ngayon at hindi rin naman nila maaaring dalhin ang mga ito sa kanilang mga buyer dahil sa karagdagang gastos sa transportasyon.

“Kung ganito ang problema, dapat ay magsimula na tayong mag-invest sa mga post-harvest facilities para may paglalagakan ang mga ani ng ating mga magsasaka,” naging konklusyon ni Eleazar.

“Through consultation with the affected sector, marami pa tayong pwedeng gawin para ma-improve ang kalagayan ng ating mga magsasaka at mangingisda. Ang bottom line, dapat ay may dedikasyon at commitment para matulungan ang ating mga kababayan at iyan ang ilalaban ko sa Senado,” sabi pa ng heneral. (ai/mtvn)

Leave a Reply