Mas mataas na honorarium para sa election duty ng mga guro tinutulak ng senatorial bet

Mas mataas na honorarium para sa election duty ng mga guro tinutulak ng senatorial bet

Saan man magpunta para mangampanya, mainit ang pagsalubong kay Partido Reporma senatorial aspirant retired Gen. Guillermo Eleazar, tulad ng nasa larawan na masayang binati ng dating hepe ng PNP ang kanyang mga nakakasalubong sa isang campaign sortie kamakailan. (Photo supplied)

Ni Tracy Cabrera
MANILA — Sanhi ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at pangunahing mga bilihin, isinusulong ni Partido Reporma senatorial candidate retired Gen. Guillermo Eleazar na madagdagan ang honorarium na ibinibigay sa mga gurong itatalaga para pangasiwaan ang nalalapit na halalan sa Mayo.

“Ako ay umaapela sa ating Commission on Elections na madagdagan sana ang honorarium ng mga guro na magsisilbi sa eleksyon. Ito rin ang pakiusap ng ating mga guro dahil ang kanilang honorarium ay nababawasan pa dahil sa 20 percent na tax na ipinapataw dito,” wika ng dating hepe ng Philippine National Police (PNP).

“Alam din naman natin na sunod-sunod ang pagtaas ng bilihin ngayon kaya’t malaking tulong para sa ating mga guro, na hindi rin naman kalakihan ang kita, na magkaroon ng malaking honorarium para sa kanilang pagsisilbi sa halalan,” dagdag ni Eleazar.

Ayon pa sa retiradong heneral, dapat umanong itaas ang ibinibigay na honorarium dahil sa mahirap na trabaho at mga sakripisyong ginagawa ng mga guro tuwing may halalan, hanggang sa vote canvassing.

“Alam din naman natin na sunod-sunod ang pagtaas ng bilihin ngayon kaya’t malaking tulong para sa ating mga guro, na hindi rin naman kalakihan ang kita, na magkaroon ng malaking honorarium para sa kanilang pagsisilbi sa halalan,” aniya.

Pangkaraniwang tinatanggap ng mga miyembro ng electoral board ang mula P6,000 hanggang P7,000 honorarium habang ang iba namang mga poll worker at gayun din ang mga medical personnel at technical support staff ay umaabot sa P3,000 hanggang P5,000.

Bago sa apila ni Eleazar para sa mas mataas na honorarium, una nang nanawagan ang ilang mga guro sa Commission on Elections (Comelec) na alisin ang 20 porsyentong buwis sa kanilang tinatanggap na kompensasyon para sa pagganap ng kanilang tungkulin sa palapit na eleksyon.

Sa pagtugon naman sa kahilingang taasan at hindi na buwisan ang honorarium ng mga gurong tatayong tagapangasiwa at support staff sa mga polling presinct, nilinaw ni Comelec commissioner George Garcia na ang pagdedesisyon dito ay nasa kamay ng Kongreso at Bureau of Internal Revenue (BIR). (AI/MTVN)

Leave a Reply