Kasabwat ng mga smuggler pinadadawit ni Eleazar

Kasabwat ng mga smuggler pinadadawit ni Eleazar

Si dating PNP chief at Partido Reporma senatorial bet retired Gen. Guillermo Eleazar kasama ang ilan sa kanyang mga tagasuporta. (Photo supplied)

By Tracy Cabrera
MAKATI CITY, METRO MANILA — Hindi kontento na ipahuli ang mga smuggler na sumasalaula sa maayos na pagnenegosyo’t kalakalan sa bansa, nais ni Partido Reporma senatorial aspirant retired Gen. Guillermo Eleazar na habulin din bukod sa mga smuggler ang mga kasabwat ng mga ito upang matugunan ang hinaing ng mga lokal na industriya na matagal nang nagrereklamo laban sa iligal na pag-angkat ng iba’t ibang produkto sa bansa.

Partikular na tinukoy ng dating here ng Philippine National Police (PNP) ang patuloy na pagpasok ng mga produktong agrikultural ng ilang mga negosyante na hindi nagbabayad ng kaukulang buwis kaya lubhang nakakasira ito sa kabuhayan ng ating mga magsasaka at gayun din ang mga mangingisda.

Nangako si Eleazar na magsusulong siya ng mas matinding kaparusahan laban sa mga smuggler at ang kanilang mga kasabwat na kamakailan ay binunyag sa pagdinig sa usapin ng tumataas ng presyo ng bilihin sanhi ng walang humpay na smuggling.

Tiniyak din ng retiradong heneral na pagtutuunan niya ng pansin ang mga iligal na aktibidad sa Bureau of Customs (BoC), na siyang dapat unang humaharang sa mga puslit na mga produkto gaya ng mga gulay at iba pang produktong agrikultural.

Bago rito, nasiwalat sa isang Senate inquiry na umaabot sa P2.5 milyon ang nawawala sa mga magsasaka ng Benguet kada araw simula ngayong taon at dahil ito sa iligal na pagpasok ng mga gulay mula sa ibang bansa.

Ayon sa League of Association at the La Trinidad Vegetable Trading Areas, dumoble pa ang dami ng smuggled na carrots, mula 20 porsyento noong 2021 hanggang 40 porsyento ngayong taon.

“Ang biktima ng smuggling ng mga agricultural products ay itong ating mga lokal na magsasaka. Kasama ang pagbuhos ng suporta sa ating mga magsasaka at mangingisda sa aking legislative agenda at kabilang dito sa maasahan sa akin ng ating mga kababayan ay ang pagtutok dito at ang pagsulong ng mas mabigat na parusa sa mga smugglers na ito,” pinunto ni Eleazar.

“Sariwa pa sa aking isipan yung mga pagtatapon ng tone-toneladang kamatis at iba pang agriculture products sa Cordillera at dapat ay hindi na maulit ito dahil unti-unting pag-torture at pagpatay ito sa ating mga magsasaka,” dagdag nito.

Dahil sa malapit din sa puso niya ang mga magsasaka sanhi ng kanyang ugat sa agrikultural na lalawigan ng Quezon, isinusulong ng dating PNP chief ang pagpapatayo ng maraming post-harvest facility at pagbuo ng food security clusters bukod sa pagbibigay ng insurance para sa mga produktong agrikultural na maaaring masira ng kalamidad at scholarship na rin para sa anak ng mga magsasaka’t mangingisda.

Bilang pagtatapos, ipinaliwanag nito na sa problema ng smuggling, lumalakas lang ang loob ng mga smuggler dahil sa paniniwalang makalulusot ang mali nilang gawain at kahit mahuli pa’y madali silang makakaalpas sanhi ng kanilang koneksyon sa ilang matataas na opisyal ng gobyerno.

“The certainty that they would be caught and punished is one of the best ways to address this problem and this is where I would focus by strengthening the investigative and operational capabilities of the government to run after them and whoever is their cohorts in the government,” konklusyon ni Eleazar. (ai/mtvn)

Leave a Reply