Kauna-unahang high-tech 5D educational hub bus umarangkada na sa lungsod Tanauan

Kauna-unahang high-tech 5D educational hub bus umarangkada na sa lungsod Tanauan

TANAUAN City — Umaarangkada na sa pagbisita sa iba’t-ibang barangay ng lungsod na ito ang kauna-unahan at high-tech na 5D educational hub bus na dinesenyo upang maghatid ng karunungan sa mga mag-aaral, mga magulang at pati na mga guro sa gitna ng pandemya.

Nasa larawan sina Tanauan City OIC Admin Rizaldrin Epimaco Magpantay (kaliwa) at si City Mayor Angeline “Sweet” Halili (gitna) sa grand launch ng 5D Hub education buses ng lungsod

Sa pagtutulungan ng Tanauan City Division at lokal na pamahalaang ng Tanauan, naisakatuparang ang grand launch nito noong huling linggo ng Marso 2022 na inatendihan ng mga guro, kawani ng DepEd at ng lungsod pati na ng lokal media.

Dala ng dalawang (2) 5D hub buses na pinaisinayaan ang makabago at kakaibang pamamaraan ng paghahatid ng iba’t-ibang kaalaman sa gitna ng pandemya.

“This 5D education hub bus that we will turn over to you is something that the teachers and students will make good use of. Being the pioneer, we will make it a memorable one so that other local government units may follow,” wika ni Tanauan city Mayor Angeline “Sweet” Halili na tumatakbo ngayon sa pagka-kongresista ng District 3 ng Batangas.

“Dito po sa Tanauan, ito ang una pati na sa buong Pilipinas.”

Kilala rin ito bilang “Project Gulong Edukasyon Mobile DepEd Learning 5D Hub” kung saan pinangunahan nina Pansangay na Tagapamahala ng Paaralan G. Rogelio F. Opulencia at ng pamahalaang lokal Lungsod ng Tanauan sa pangunguna ni Mayor Angeline “Sweet” Halili ang pormal na turn over ceremony noong Marso 24, 2022 sa bagong city hall ng Tanauan sa Barangay Natatas.

Layunin ng proyekto na maghatid ng bagong karanasan sa pag-aaral gamit ang multi-media interactive modules na hindi nawawala ang kalidad at ang dating nakasanayan sa loob ng silid aralan.

Sa pamamagitan ng proyekto, mga kaalaman na mismo ang lalapit sa mga mag-aaral ng hindi sila nalalagay sa panganib ang kanilang kalusugan bunsod ng Covid.

Makatutulong ang nasabing proyekto upang ihanda ang mga mag-aaral na maging globally competitive at mas maging handa sa mga hamon na maaaring kaharapin sa pag-aaral.

Hindi lamang mga mag-aaral ang mabibigyan ng pagkakataong maranasan ang makabagong istilo ng pag-aaral dahil bibigyan din ng pagkakataon ang mga magulang at guro na makasakay sa 5HD bus.

Bukod sa kaalaman sa mga asignaturang pinag-aaralan sa loob ng eskuwelahan, matutulungan din ng mga mag-aaral ang kasaysayan, kultura, heograpiya, at ekonomya ng lungsod ng Tanauan.

Sinigurado naman ng pamunuan ng Department of Education Tanauan City na masusunod pa din ang mga safety health protocols na itinalaga ng Inter-Agency Task Force at lokal na pamahalaan.

Matapos ang grand launching, inaasahan na lubusan nang bibiyahe ng 5D Hub bus upang maghatid ng kaalaman sa mga Tanaueno.

Ang bawat isa sa dalawang (2) high-tech na 5D Hub Educational Bus ay nagkakahalaga diumano ng P44 milyon.

Maliban kina mayor Angeline Halili at SDS Opulencia, nakasama rin sa launching ceremony si OIC Admin Rizaldrin Epimaco Magpantay, TA president Susan Ignacio, PTA president Emma Mendoza, SSG president Elijah Hennez Cabrera, SPG president Jennica Jaira Sierra.

Nagsilbing pangunahing tagapagsalita ng programa si Region 4A Assistant Regional Director
Cherrylou Repia kasama ang iba pang mga opisyales ng DepEd Regional Office upang saksihan ang makasaysayang turnover ceremony.

“This learning 5D Hub Project makes it sure that the smiles to the learners of Tanauan will not even leave for a second. Lagi silang nangangarap dahil may nakangiting bus na maghahatid ng edukasyon para sa kanila,” ani ARD Repia.

Taos puso naman ang pasasalamat ni SDS Opulencia sa nasabing proyektong kaloob sa DepEd Tanauan upang maihatid ang kalidad na edukasyon sa kanilang mga barangay.

Ang Tanauan City ay mayroong 48 na bilang ng mga barangay lahat-lahat. (IAm/With reports from Tanauan Links)

Leave a Reply