Batangas police puspusan na ang paghahanda para sa Eleksyon 2022, iba pang importanteng aspeto ng Peace and Order

Batangas police puspusan na ang paghahanda para sa Eleksyon 2022, iba pang importanteng aspeto ng Peace and Order

BATANGAS City — Puspusan na ang ginagawang paghahanda ng Batangas Police Provincial Office upang maseguro na magiging maayos ang papalapit na local at national elections sa ika-9 ng Mayo 2022.

Ito ang naging pahayag ni BPPO Director PCol. Glicerio C. Cansilao sa kanyang panayam kamakailan sa opisyal na programang pangradyo ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas.

Ayon kay PCol. Cansilao, patuloy ang kanilang isinasagawang police operations tulad ng Oplan Sita, Oplan Bakal at mga checkpoints.

May labindalawa (12) aniyang lugar sa Batangas, na binubuo ng 30 municiplities at apat (4) na lungsod, na idineklarang “elections hotspots.”

Isinailalim ang mga ito sa Yellow Category o iyong mga lugar na nakapagtala ng karahasan na may kaugnayan sa halalan o kung saan mayroong matinding partisan political rivalry.

Kabilang ang Sto. Tomas City sa 35% na kabuuang bilang local government units sa buong probinsya na nasa “election areas of concern.”

Ang iba pang LGU na nasa yellow category o hotspot area ay ang mga bayan ng Nasugbu, Lian, Tuy, Balayan, Calatagan, Calaca, Lemery, at Taal mula sa First District ng Batangas habang at Bauan sa 2nd District, at bayan ng Laurel at Mataas na Kahoy sa 3rd District.

Ayon kay Lieutenant Pauline Fernando, public information officer ng Batangas Police, tinawag na “areas of concern” dahil sa insidente ng election violence gaya ng shootings, threats, conflicts at intimidations ng mga kandidato laban sa kapwa kandidato.

Maliban sa yellow category, mayroon ding tinatawag na green category o mga lugar na “no concern,” orange category o areas “with immediate concern” at pula na kulay na may “grave concern.”

Samantala, nakapagtala naman ang kapulisan ng maraming kaso ng paglabag sa Commission on Elections (COMELEC) gun ban na ipinapatupad ngayong panahon ng halalan.

Matatandaan na nagsimula ang COMELEC gun ban noong January 9, 2022 at magtatapos naman ngayong darating na June 8, 2022.

Dagdag pa ng koronel, hindi sapat ang permit to carry at tanging ang mga may clearance lamang na galing sa COMELEC ang pinapayagan at maaaring magdala ng armas sa panahon ng gun ban.

Naibahagi rin nito na nag-deploy na ng mga Police Assistance Desks at mga Tourist Police sa mga lugar na dinadayo ng mga turista ngayong papalapit na ang pagdiriwang ng Semana Santa o Holy Week.

Katuwang din ang kapulisan sa disaster response at evacuation ng mga local incident management team ng mga bayan na apektado ng muling pagiging aktibo ng Bulkang Taal nitong nakaraang linggo.

Ayon pa kas Cansilao, responsibilidad din ng kapulisan sa pagpapanatili ng peace and order sa mga evacuation centers.

Kasabay rin nito ay ang pagtatalaga ng mga anti-looting teams, laban sa mga mapagsamantala sa gitna ng sakuna, sa mga bahayan na pansamantalang iniwanan ng mga evacuees.

Humingi naman ng patuloy na suporta mula sa publiko si Cansilao para sa kapulisan at nanawagan ng patuloy na pagsunod sa mga itinatakdang batas para sa maayos na eleksyon. Nagpaalala rin ang koronel sa pagsunod sa minimum health standard na itinatalaga ng Inter-Agency Task Force Against COVID-19 at binigyang-diin na ang isinasagawa nilang checkpoints ay hindi dapat ituring na sagabal, bagkus ay para masiguro ang kaligtasan ng mga mamamayan. (Vinson-Roi C. De Chavez/Batangas Capitol PIO/OPBats/Ogima)

Leave a Reply