Pagbigay ng ‘police power’ sa DA suportado ni Eleazar

Pagbigay ng ‘police power’ sa DA suportado ni Eleazar

Si dating PNP chief at Partido Reporma ‘senatoriable’ Gen. Guillermo Eleazar na nakikigulo sa ‘boodle fight’ sa isang lugar ng kanyang pangangampanya sa iba’t ibang panig sa bansa. (Photo supplied)

Ni Tracy Cabrera

BAGUIO CITY, BENGUET — Sa pagkilala sa halaga ng pagkakaroon ng seguridad sa pagkain sa buong bansa, nagpahayag ng pagsuporta si Partido Reporma senatorial aspirant retired Gen. Guillermo Eleazar sa kahilingan ng Department of Agriculture (DA) na magkaroon sila ng ‘police power’ para mapahinto ang lumalaganap na smuggling ng mga produktong agrikultura.

Una rito, iginiit ni agriculture Undersecretary Fermin Dantes Adriano sa virtual press briefing na tumalakay sa usapin ng food security ang kahalagahan na magkaroon ng kapangyarihan ang kagawaran ng agrikultura na tugisin ang mga tao o grupong sangkot sa iligal na pag-aangakt ng mga produktong agrikultura.

“Kung gusto n’yong magkaroon ng ngipin ang departamento laban sa smuggling, bigyan po natin ng kapangyarihan—ng mandato—na makapag-file, apprehend and file cases against smugglers. Pero sa ngayon po sa batas, wala pong magagawa ang DA, kundi umasa sa BoC kasi sila ‘yong naroon sa batas na may kapangyarihan noon,” pinunto ni Adriano.

Sang-ayon dito si Eleazar, dating hepe ng Philippine National Police (PNP), na kinatigan pa ang argument ng kalihim na mas malawak ang kaalaman ng DA ukol sa agri smuggling na kumikitil sa kabuhayan ng mga lokal na magsasaka dahil sa halip na mabili ang kanilang mga produkto ay yaong mga galing sa ibang bansa ang pinapakyaw ng mamimili sanhi ng mura nitong presyo.

“Mas makakabuti kung maaaksyunan agad ng DA ang problemang ito dahil nakasalalay dito ang seguridad ng ating pagkain sa araw-araw. Nakita naman natin ang epekto ng walang habas na pagpasok ng mga gulay at ito ang nakaapekto sa presyo ng mga lokal na produkto kaya pinapatay nito ang ating mga magsasaka na umaasa sa kakarampot na kita nila mula sa kanilang inaani,” wika ng retiradong heneral.

Sinang-ayunin din nito ang kakulangan ng pagpupursigi ng pamahalaan sa pagpapatigil ng smuggling hindi lamang ng produktong agrikultura kundi maging iba pang mga bagay na nakakasira sa mga lokal na indistriya sa bansa.

“Wika nga ng DA ay ‘kung mahuli man ang mga smuggler ng isang beses, pero kung maging successful naman sila sa second o third attempt nila na mag-smuggle, kikita pa rin sila kasi malaki nga iyong price difference ng kanilang mga binebenta kung ihahambing sa lokal natin produkto” binigyang-pansin ng Eleazar. (ai/mtvn)

Leave a Reply