16,800 pulis naka-schooling, idedeploy sa Eleksyon ’22

16,800 pulis naka-schooling, idedeploy sa Eleksyon ’22

Ni Arwen Pascua

MANILA — Bibigyan ng “election duty” ng Philippine National Police (PNP) ang 16,800 pulis na kasalukuyang sumasailalim sa “mandatory career courses” at “field training.”
Pinangunahan ni PNP Chief PGen. Dionardo Carlos sa Camp Crame ang paglipat ng mga naturang pulis mula sa pamamahala ng PNP Directorate for Human Resource and Doctrine Development (DHRDD) tungo sa PNP Directorate for Personnel and Records Management (DPRM).

Ang grupo sa Camp Crame ay binubuo ng 1,007 pulis, kabilang ang 611 Police Commissioned Officers (PCO) na nagsasanay ng Officers Senior Exevutive Course (OSEC), Officer’s Advance Course (OAC), Public Safety Basic Officer’s Course (PSOBC); at 396 Police Non-Commissioned Officers (PNCO).

Habang 15,813 PCOs at PNCOs na nasa 17 Police Regional Offices ay inilipat naman sa pamamahala ng mga Regional Task Groups ng PNP Security Task Force NLE 2022.

Pinaalalahan din ni Carlos ang mga pulis na magbigay ng propesyonal, mabilis, episyente, at magalang na serbisyo sa mga mamayan sa kanilang pagganap ng kanilang election duty. (ai/mtvn)

Leave a Reply