Tambalang ‘MarSo’ aprub kay Tito Sen!

Tambalang ‘MarSo’ aprub kay Tito Sen!

Senate President Tito Sotto: ‘Basta lahat ng support para sa akin, ay bukas palad kong wini-welcome.’ (Kuha ni MTVN photo chief Benjamin Cuaresma)

MANILA — Kung makadaragdag ito sa kanyang ikapapanalo sa nalalapit na halalan, lubos na aprubado kay Nationalist People’s Coalition vice presidential bet Vicente ‘Tito’ Sotto lll ang isinusulong na tambalang “MarSo” o Marcos-Sotto tandem.

Ito’y kinumpirma mismo ng kasalukuyang pangulo ng senado nang makapanayam ito ng Maharlika TV News nitong Easter Sunday sa Manila Peninsula Hotel kung saan idinaos ang joint press conference ng apat (4) na presidentiables kabilang na ang running-mate ni Sotto na si Ping Lacson.

“Tito Sen, recently, may kumakalat na mga tarps na MarSo na may picture kayo ni BBM ang nakalagay. Aware po ba kayo dito? In fact me mga larawan pa po kaming nakunan habang binabaybay po namin ang Novaliches, bayan. Ano po ba ang take niyo sa issueng ito?,” tanong ng MTVN kay Sotto.

SP Tito Sotto (Benjie Cuaresma)

Heto ang kaniyang naging tugon:

“Basta lahat ng support para sa akin, ay bukas palad kong wini-welcome, ” sambit ni Tito Sen na may kasamang ngiti.

Noong nakalipas na linggo ang Maharlika TV News roving team ay mayroon ding namataan sa San Mateo at Montalban sa Rizal na maraming traysikel drayber ang nagkakabit ng mga MarSo tarps sa likuran ng kanilang mga sidecar at ang iba nama’y mga nakasuot ng shirts na magkapareho ang tatak ng tambalang MarSo.

Suportang PhilTraM sa MarSo

Samantala, maraming sectoral groups na rin ang magiliw na nagpahayag ng suporta sa tambalang “MarSo Hanggang Mayo” partikular na ang transport group na “Philippine Transport Monitor (PhilTraM) sa pamumuno ni national chairman Aio Bautista.

Ayon kay Bautista plantsado na ng kanilang grupo ang opisyal na paglulunsad ng kanilang pambansang kampanya sa target na mapalawak pa upang lalo pang makilala sa mga susunod na linggo ang “MarSo” at una na rito ang pagdaos ng press conference na nakatakda sa Huwebes, Abril 21, 2022, sa Lungsod Quezon, bago ilunsad ang sunod-sunod na motorcades.

Ang MarSo motorcade ng PhilTram ay dadaluhan ng tatlong iba’t ibang grupo ng transportasyon, gaya ng mga food delivery riders na nagsilbing frontliners sa panahon ng pandemya, traysikel draybers na malaki din ang ambag sa esensyal na pangangailangan, jeepneys at Lalamove drivers, ayon pa kay Bautista.

“Isa rin po akong rider dati ng food delivery services sa gitna ng pandemya at ng Lalamove at ito po ang rason kung bakit natin ipinaglalaban ang welfare ng ating mga kababayan sa transport sector,” diin ni Bautista.

“At sa tingin po namin, ang MarSo tandem ang aming lubos na maaasahan sa kaparehong adbokasiya na aming ipinaglalaban. Kapwa po silang nagsasabing dapat at nararapat na pangalagaan ang uring mangagawa sa transportasyon.”

Isang namang mataas na opisyal ng Nationalist People’s Coalition (NPC), na ‘di nagpabanggit ng pangalan, ang nagsabing lumalakas ang suporta ng tambalang Marcos-Sotto mula sa hanay ng sariling partido pulitikal ni Sotto na ilan din dito ay pawang mga pro-BBM.
(ai/mtvn)

Leave a Reply