Grupong ‘MarSo’ umatake sa 2 malalaking lungsod ng Batangas

Grupong ‘MarSo’ umatake sa 2 malalaking lungsod ng Batangas

MANILA — Dalawang malalaking lungsod ng Batangas ang nilusob ng grupong nagtutulak ng tambalang Marcos-Sotto o MarSo sa pamamagitan ng paglulunsad ng maugong na caravan nitong Linggo (24 April 2022).

Nagsimula ang caravan na inorganisa ng Philippine Transport Monitor o (PhilTram) sa palengke ng Sto. Tomas City bago tumulak patungong Tanauan City kung saan tumahak ito sa main thoroughfare ng lungsod, umikot sa public market, bago bumalik sa Sto. Tomas.

Sinalihan ang caravan ng may 30 motorcycle riders at mga tricycles maliban pa sa ilang private vehicles na ayon kay PhilTram national chairman Aio Bautista patunay lamang na lumalakas ang sumusuporta sa kanila.

Idinagdag pa ni Bautista na matapos ang matagumpay na pagdaraos nila ng caravan sa Batangas, tutungo naman ang tropang MarSo sa lalawigan ng Rizal sa darating na Miyerkules.

Malakas ang tambalang Marso dahil kasalukuyang nangunguna si UniTeam presidential candidate Bongbong Marcos habang si Senate president Tito Sotto ng Nationalist People’s Coalition (NPC) vice presidential bet Tito Sotto lll ay nasa likod lamang ng ka-running mate ni BBM na si Inday Sara Duterte.

“Ginagawa namin ang ganitong krusada dahil naniniwala kami na ang aming grupo ay malaki ang maitutulong sa ating mga mananakay sa isinusulong namin na MarSo na may pagmamalasakit at pagkakaisa katulad ng ginawa ni senador Bongbong (Marcos) na binigyan niya ng pagkakataon at pansin ang ating mga rider” sambit ni Bautista.

“Tungkol naman kay Tito Sotto, ay binibigyan namin ng diin ito dahil hindi natin matatawaran ang kanyang eksperiyensa. May 31 years na siya sa pagsisilbi sa paggawa ng batas at unang-una na dyan ngayon yung tinatamasa ng ating mga kababayan ay yung Bayanihan 1 and 2 kasama na diyan yung ating mga tricycle na nabigyan ng ayuda.” pahayag pa ni Bautista patungkol sa tambalang MarSo.

Matapos ang Rizal caravan sa Miyerkoles, ay agad na maglalakbay ang grupo patungong Northern Luzon region kabilang na ang Pampanga, Tarlac, Pangasinan, Isabela, Tuguegarao, Cagayan Ilocos Sur hanggang Norte upang higit pang maimulat sa mga kababayan ang kakayahan ng tambalang MarSo at maipanalo pagsapit ng halalan sa Mayo 9, 2022. (Jello)

Leave a Reply