WINDOW HOUR POLICY AT PAGGAMIT NG ITX MAHIGPIT NA IPAPATUPAD NG DOTr-LTFRB-MMDA

WINDOW HOUR POLICY AT PAGGAMIT NG ITX MAHIGPIT NA IPAPATUPAD NG DOTr-LTFRB-MMDA

By Glen S. Ramos

MANILA — Nakatanggap ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng ulat na sinabi diumano ni Atty. Michel Kristian R. Ablan, Deputy Presidential Spokesperson of the Office of the President na base sa Inter-Agency Task Force (IATF) No. 164, pinapawalang-bisa nito ang Par. E(3) ng IATF Resolution No. 101 kaya maaari nang gamitin ng mga provincial bus operators ang kanilang private terminals sa Metro Manila.
Kasunod ng nasabing anunsyo, nagpulong ang Department of Transportation (DOTr), LTFRB, at Metro Manila Development Authority (MMDA) kaninang hapon upang pag-usapan ang kanilang pinag-isang posisyon sa isyu at tumindig ang mga ito na panatilihin ang implementasyon ng polisiya na gamitin ang mga ITx at pagpapatupad ng Window Hour Policy ng MMDA.
Bilang paglilinaw, ang Window Hour Policy ng MMDA na pagpayag sa paggamit ng private terminals ng mga provincial bus mula 10:00pm hanggang 5:00am ay hindi nangangahulugan na bibiyahe ang naturang mga bus sa itinakdang oras.

Hindi kailanman naglabas ng kautusan na pagbawalan ang mga provincial bus na mag-operate sa labas ng window hours ngunit patuloy ang paglilinlang ng mga provincial bus operator sa mga pasahero na pinapayagan lang sila mag-operate sa mga nabanggit na oras.
And Window Hour Policy ay maituturing na Gentleman’s Agreement sa pagitan ng MMDA at provincial bus operators matapos ang serye ng pagpupulong sa pagitan ng dalawang partido.

Humiling ang mga naturang operator na gamitin ang kanilang private terminals tuwing Window Hour at pumayag naman ang MMDA. Nakipag-ugnayan ang MMDA sa LTFRB kaugnay ng napagkasunduan ng MMDA at provincial bus operators.
Ang naturang polisiya ay tugon sa reklamo ng mga provincial bus operator at upang makapagsakay ng mga pasahero sa gabi papunta ng Metro Manila bilang pagbawas sa aberya nila sa paghihintay ng connecting trips papunta at paalis ng kanilang destinasyon.
Sa labas ng Window Hour Policy ng MMDA, inaatasan ang provincial bus operators na gamitin ang mga ITx at hindi ang kanilang private terminals, lalo na at napatunayan na hindi ligtas ang paggamit ng mga ito matapos makitaan ng mga paglabag sa health, safety, at security protocols sa isinagawang magkahiwalay na inspection ng LTFRB at Office of Transportation Security (OTS).
Sa ngayon, pinag-aaralan din ng LTFRB na dagdagan ang kapasidad ng Cubao Integrated Terminal upang makatanggap pa ng mga long haul provincial bus. Liban dito, inaaral din ang dagdag na mga ruta mula at patungo sa iba’t-ibang ITx upang makapagtatag ng mas maayos na connectivity mula sa mga ITx papunta sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila.
Nais liwanagin ng LTFRB na ang mga inilabas ng IATF na diumanoy binaggit ni Usec. Ablan ay para matugunan ang health concerns sa konteksto ng nararanasan nating pandemya upang maiwasan o mabawasan ang pagkalat ng mga nakakahawang sakit tulad ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Gayunpaman, kailangang igiit na ang LTFRB, base sa mandatong nakapaloob sa Executive Order no. 202, na tungkulin din ng ahensya na i-regulate ang mga routes of service at magtatag nang maayos na interconnectivity sa mga naturang ruta upang maisulong ang pampublikong transportasyon para sa ikabubuti ng mga pasahero na may pagsaalang-alang sa traffic management.
Kabilang dito ang muling pagsasaayos o pag-amyenda ng mga routes of service at ang pagtalaga at paggamit sa mga ITx base sa mga polisiya ng mga programang kasalukuyang ipinapatupad ng LTFRB tulad ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) at Route Rationalization Study.
Sa katunayan, ang State Policty sa paggamit ng ITx ay kinakatawan ng National Transport Policy na idineklara ng National Economic and Development Authority (NEDA), mula noong 2013 at pinagtitibay ng executive action sa ilalim ng Executive Order No. 67, na inilabas ng Office of the President.
Giit pa ng naturang polisiya, iminumungkahi ang pagpapabuti ng road-based public transport at traffic management, kabilang ang pangangailangan sa pag-rationalize ng mga terminal at interchange facilities “to improve the accessibility and mobility of road-based public transport modes and lessen the traffic congestions” [JICA 2014].

Nakatala rin sa report (ng NEDA) ang malaking bilang ng bus companies at ang kanilang bus terminals, at mga jeepney sa Metro Manila at inirerekomenda ang mas komprehensibong pagrepaso sa pag-modernize ng mga sistema ng bus at jeepney at ang kani-kanilang serbisyo [JICA 2014].
Alinsunod sa naturang polisiya, ang DOTr sa ilalim ng naunang administrasyon, ay nagsimulang magtaguyod ng mga ITx sa mga entry point ng Metro Manila, tulad ng Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITx) noong 2018, at mga interim terminal habang hinihintay ang pagtatag ng mga permanent ITx sa mga entry point ng Metro Manila mula sa timog silangan at hilagang bahagi.

Sa timog silangang bahagi, naroon ang Alabang Intergrated Terminal at Santa Rosa Integrated Terminal (SRiT); habang sa hilagang bahagi naman ay ang North Luzon Expressway Terminal (NLET) sa Bocaue, Bulacan, na sentro ngayon ng isyu ng mga provincial bus.
Bukod diyan, nariyan din ang Cubao Integrated Terminals at ang Valenzuela Gateway Complex (VGC) na nagseserbisyo ng provincial commuter bus routes.

Pero dahil sa isyu ng traffic management, ang VGC ay limitado sa operasyon ng mga city bus batay sa kautusan ng Mayor ng Valenzuela, bagamat nauna nang umapela ang LTFRB na bawiin ito ng lokal na pamahalaan.
Ang mga provincial bus operators na nag-o-operate pa-norte ng Metro Manila ay nagkaroon ng maraming isyu patungkol sa NLET, gaya ng terminal fee, interconnectivity ng terminal, access, maging sa mga standard sa pagiging terminal ng NLET, na nauna nang nasolusyonan ng LTFRB.
Bagamat hindi lahat ng concern patungkol sa NLET ay natugunan, isang bagay ang nananatiling malinaw at ‘yon ay ang pagpilit ng mga provincial bus operators na gamitin nila ang kanilang private terminals sa Metro Manila.

Ang paggiit sa ahensya na magamit nila ang kanilang private terminals ay hindi tugma at hindi nakahanay sa State Policy, na maayos na naipatutupad sa iba pang pangunahing lungsod sa bansa.

Sa Highly Urbanized Cities tulad ng Cebu, Cagayan de Oro, Butuan, at Davao ay maayos na nasusunod ang State Policy patungkol sa mga integrated terminals at lahat ng provincial bus company sa mga naturang lungsod ay sumusunod sa naturang mandatong nakapaloob sa polisiya.
Kaya naman hindi maaaring hindi makasunod sa polisiya ang Metro Manila sa pagtugon sa mga requirements ng pampublikong transportasyon, lalo na at pinangangasiwaan ng LTFRB ang Metro Manila na may ilang lokal na pamahalaan at hindi bababa sa 12-milyon ang populasyon. Bukod diyan ay itinuturing na worldwide practice ang pagtalaga ng ITx bilang pagtugon sa mga requirement ng pampublikong transportasyon sa mga siyudad.
Sa huling punto ng ahensya patungkol sa isyu ng NLET, may mga pagpupulong na ang dinaluhan ng LTFRB at mga provincial bus operators sa nakalipas na dalawang taon at nananatiling sentimiyento ng mga naturang bus operator ang paggamit ng kanilang private terminals.

Kung mayroon pang mga isyu sa NLET na kailangan pang talakayin, bukas ang LTFRB sa pakikipagtulungan sa iba pang ahensya ng gobyerno tulad ng MMDA, Land Transportation Office (LTO), at IATF upang malutas ang isyu nang hindi lumilihis sa layunin ng State Policy.
Bagamat hindi tugma ang polisiya ng LTFRB sa paggamit ng ITx sa pribadong interes ng mga provincial bus operators na gamitin ang kanilang private terminals sa kahabaan ng EDSA, hindi naman mapagkakaila ang benepisyo nito sa pagsulong ng maayos na pagpapatakbo ng pampublikong transportasyon na siya ring isa sa mga hakbang na tumutugon sa problema ng traffic congestion sa EDSA na kailanman ay hindi pa nasolusyunan. (ai/mtvn)

Leave a Reply