1.8M unvaccinated senior citizen pinahahanap ni Eleazar para mabakunahan

1.8M unvaccinated senior citizen pinahahanap ni Eleazar para mabakunahan

MAKATI CITY, METRO MANILA — Nanawagan si Partido Reporma senatorial candidate retired Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar sa pamahalaan para hanapin at bakunahan ang tinatayang 1.8 milyong senior citizen na hindi pa bakunado at pabilisin ang pagbibigay ng mga booster shot upang maiwasan ang pinangangambahang pagsirit ng mga kaso ng Covid-19 sa Mayo.

Ang panawagan ng dating hepe ng Philippine National Police (PNP) ay kasunod ng pangambang muling tumaas ang bilang ng mga bagong kaso ng Covid matapos kumpirmahin ng Department of Health (DoH) ang unang kaso ng mas nakakahawang sub-variant ng Omicron variant na BA.2.12 dito sa Pilipinas.

Sinasabing ang naturang sub-variant ay 2.5 beses mas nakahahawa kaysa sa orihinal na Omicron variant kaya ayon sa retiradong heneral, mahalagang maging handa ang bansa rito.

“Kasabay ng pagpasok ng bagong subvariant ng Omicron sa ating bansa ay ang panganib na magdudulot ito ng panibagong pagsipa ng mga kaso. Alam na dapat natin ang gagawin upang pigilan ito dahil higit dalawang taon na tayo sa pandemya,” ani Eleazar.

“Sa ngayon, mayroon pa ring natitirang 1.8 million senior citizens na hindi pa nababakunahan. Bilisan natin ang paghanap sa kanila at hikayatin natin na sila ay mabakunahan na kontra Covid-19,” dagdag pa nito.

“Dapat rin ay pabilisin ang pagtuturok ng booster shot sa mga vulnerable sectors. Tuluy-tuloy ang first boostering para sa adult population lalo na sa healthcare workers, senior citizens at sa mga immunocompromised. Nagsimula na rin ang pagtuturok ng fourth dose o second booster shot para sa mga immunocompromised,” sabi pa ni Eleazar.

Ipinaliwanag din ng dating Task Force Covid Shield commander na ang mga naturang sektor ay pinakakrusyal na mabakunahan dahil sila ay mas malapit sa panganib ng malubhang karamdaman o kamatayan.

“Mas expose sila sa sakit at mahina ang immune system kaya maaari silang magdevelop ng malubhang sintomas,” paliwanag nito.

Nanawagan din si Eleazar sa publiko na ituloy ang pagsunod sa minimum public health standards upang maiwasan ang pagkalat ng Covid-19 na, ayon sa DoH, ay maaaring maganap sa kalagitnaan ng Mayo.

“Kapag patuloy nating binalewala ang health protocols at hindi pa rin mabakunahan ang mga vulnerable sector, nandyan palagi ang pangamba ng panibagong lockdown. Gusto ba nating umabot ulit tayo sa ganoong punto?” pagtatapos ni Eleazar. (ai/mtvn)

Leave a Reply