Sariling resolusyon, ‘binabali’ ng MBOC?PAGBILANG NG BOTO SA M’LA CITY HALL, PINALAGAN

Sariling resolusyon, ‘binabali’ ng MBOC?
PAGBILANG NG BOTO SA M’LA CITY HALL, PINALAGAN

MANILA — Pumalag ang isang tumatakbong konsehal sa Lungsod ng Maynila sa desisyon ng Manila City Board of Canvassers ng Commission on Elections (COMELEC) na sa loob ng session hall ng Manila City Hall gawin ang pagbibilang ng mga boto (canvassing) sa halalan ngayong Mayo 9, 2022.

Ayon sa petisyon na ipinadala ni Atty. Eduardo ‘Bimbo’ Quintos sa COMELEC, dapat gawin ang canvassing sa isang lugar na hindi kontrolado ng sinumang kandidato o partido.

Si Quintos ay kandidato para konsehal sa ika-4 na distrito ng Maynila ng PDP-Laban.

Ani Quintos, ang desisyon ng MCBOC sa pangunguna ni Atty. Gregorio Bonifacio, ay mismong paglabag ng MCBOC sa Resolution 10731 ng COMELEC.

Ayon sa Section 22, sub-paragraph (3) ng Resolution 10731, “ang lugar kung saan maaaring ilipat ang canvassing, dapat na matatagpuan sa isang pampublikong gusali o kung walang mahanap, sa isang pribadong gusali, sa kondisyon na ang alinman hindi dapat pagmamay-ari, inupahan, o okupado ng sinumang nanunungkulan na opisyal o kamag-anak sa loob ng ikaapat na antas ng pagkakaugnay bilang magkadugo o may kaugnayan sa isa’t-isa, o sinumang opisyal ng gobyerno o pinuno ng anumang partido, grupo, paksyon, o sa alinmang gusali o nakapalibot na lugar sa ilalim ng aktwal na kontrol ng isang pribadong partido, o organisasyong pangrelihiyon.”

Ayon naman sa kalatas na pirmado ni Bonifacio at iba pang mga kasapi ng MBOC noong Abril 22, 2022, sa Session Hall ng Manila City Council na nasa ikalawang palapag ng Manila City Hall ilalagay ang ‘consolidated canvassing system’ (CCS) na tatanggap naman ng mga ‘electronically-transmitted election returns’ (ERs) sa araw ng halalan.

Gaganapin naman ang paglalagay ng mga selyo sa mga gagamiting ‘VCMs’ (vote counting machines) sa harapan ng mga representante ng mga kandidato at mga political parties sa anim na distrito ng Maynila sa Mayo 4, 2022.

Ani Quintos, taliwas sa sinasabi ni Bonifacio, “malinaw” na pinahihintulutan ng Resolution 10731 ang paglipat ng canvassing sa isang neutral na lugar upang maprotektahan ang integridad ng mga boto.

Bilang pagsunod sa itinatakda ng batas, kalimitang ginaganap ang canvassing ng mga boto sa Maynila sa Rizal Coliseum na pag-aari ng national government sa mga nakaraang eleksyon.

Ipinunto pa ni Quintos na ang Manila City Hall ay nasa aktwal na kontrol “ng isang kandidato at partido, at nasa direktang pangangasiwa ni Aksyon Demokratiko Chairperson Mayor Isko Moreno Domagoso, at ni Asenso Manilenyo Chairperson Vice Mayor Honey Lacuna.”

Umaasa si Quintos na agarang aaksyunan ng COMELEC ang kanyang petisyon na mailipat sa ibang lugar ang pagbibilang ng mga boto sa Maynila sa araw ng halalan. (ai/mtvn)

Leave a Reply