Chua namayani kontra U.S. Open champ na si Biado

Chua namayani kontra U.S. Open champ na si Biado

HANOI – Pinuhunan ni Johann Chua ang dalawang nakadidiskaril na miscues ni reigning US Open champion Carlo Biado tungo sa 9-6 victory at koronahan ang sarili bilang bagong 9-ball billiards champion Miyerkules sa 31st Southeast Asian Games dito.

Ang 9-ball gold ay ikalawa para sa Pinoy cue artists dito, nang magwagi si Rubilen Amit sa women’s side ng kaganapan noong Martes, kung saan dinaig niya si Jessica Chan ng Singapore 7-2.

Pinapaboran si Biado na madomina ang all-Filipino finals ngunit mintis sa inaakalang kampanteng birada sa 12th at 15th racks, na ikinadismaya ng malaking crowd sa Hadong District Sporting Hall.

Humahabol sa 5-6 iskor sa 12th, nabigo si Biado, 39, na maibulsa ang 9-ball, na natawa na lang matapos ang kanyang miscue. Bigo rin siyang maihulog ang 8-ball three racks sa sumunod na tumbok, na agad namang sinamantala ni Chua ang pagkakataon para tuluyang angkinin ang kanyang unang SEA Games gold.

Si Biado, na nabigong muling ariin ang titulo na nakopo niya noong 2017 Games, ay kusang itinaas ang kamay ng 29-anyos na si Chua matapos ang sarguhan, na maluwag na tinanggap ang pagkatalo para sa silver medal.

Umusad si Biado sa finals nang daigin ang top player ng Singapore na si Aloysius Yapp 9-7 sa semifinals.

Nagkasya si Chua sa pares ng bronze medals sa nakaraang dalawang edisyon ng biennial meet. (ai/mtvn)

Leave a Reply