2nd gold kay Amit, Biado panalo!

2nd gold kay Amit, Biado panalo!

Sina Chezka Centeno at Rubilen Amit (kanan)

HANOI– Naisargo ni Pinay pool artist Rubilen Amit ang kanyang ikalawang gold kontra kay kababayang Chezka Centeno habang niresbakan ni Carlo Biado si Johann Chua sa pagtatapos ng Pilipinas ng kanilang kampanya sa 31st Southeast Asian Games dito sa pagwalis sa 10-ball singles titles Sabado sa Ha Dong Gymnasium.

Si Amit, ang World 10-ball champion nung 2009 at 2013, ay tinalo si Centeno para sa distaff gold 7-5, para tuldukan ang kanyang estado marahil bilang pinakamahusay na babaeng manunumbok sa kasaysayan ng biennial games.

“Natutuwa ako dahil Philippines versus Philippines sa finals. Walang pressure na mapunta sa ibang bansa ang gold,” sambit ni Amit, na naibulsa din ang 9-ball singles gold sa naunang linggo dito.

“It’s always a pleasure to play Chezka. No lead is safe with her. It showed kanina nu’ng 5-2 ako and I made an error and naging 5-5 agad. Naging ma-swerte lang ako,” ani pa Amit matapos daigin si Centeno, na isang matalik na amiga.

Ang panalo ay ika-10 ni Amit sa SEA Games buhat nang maipanalo ang kanyang unang dalawang gold medals sa Manila 2005 Games.

Si Centeno, two-time SEA Games winner sa 10-ball, ay nagkasya para sa silver makaraang nag-crash out nang maaga sa 9-ball singles.

Naipaghiganti naman ni Biado, 39, ang kanyang pagkatalo sa finals kay Chua sa 9-ball singles sa pamamagitan ng 9-3 win sa 10-ball singles finals, na ang bawat sargo ay ikinasiya ng mga apisyonado.

Itinaas ng dalawang kamay ni Biado, ang reigning US Open champion at 2017 World Games winner, ang kanyang cue stick matapos maipasok ang 10-ball sa 12th rack at nakipagpalitan ng high-fives kay Chua, 29, na kapwa naghatid ng saya para sa dalawang pool artists dito.

Ito ay isang hindi malilimutang kampanya para sa Tropa Pilipinas dito, ang mga miyembro nito sa pangunguna ng alamat na si Efren “Bata” Reyes, ay uuwi na may apat na ginto, apat na pilak at dalawang tanso, isa sa mga ito ay sinargo ng 67-anyos na icon.

Noong 2019 Philippine Games, nagkaroon ng 4-3-5 medal haul ang koponan. (ai/mtvn)

Leave a Reply