3 bigtime drug dealers timbog; P81M shabu, kumpiskado

3 bigtime drug dealers timbog; P81M shabu, kumpiskado

TIMBOG KAYO! Sinimulan na ng mga tauhan ng kapulisan ang pag-imbentaryo sa mga nasamsam na droga sa isinagawang operasyon sa Valenzuela City. (Kuha ni Val Leonardo)

MANILA — Arestado ang tatlong umano’y kilabot na tulak ng droga matapos malambat sa ikinasang drug buy-bust operation ng pinagsamang puwersa ng mga kapulisan kontra droga kabilang na ang Valenzuela City Police nitong Linggo sa Valenzuela City.

Nakalawit sa naturang operasyon, bilang bahagi ng ipinag-utos na pagsawata sa mga nagbabalik na drug suppliers sa Kamaynilaan ni Philippine National Police Officer-In-Charge Maj. Gen. Vicente Danao, Jr., ang mga suspect na sina Algie Mengote Labenia, 43, may asawa, driver, tubong Northern Samar, at residente ng Barangay 9th St., Brgy. Amsic, Angeles City, Pampanga; Nolan Sarsalito Julia, 43, binata, construction worker, residente ng No. 657 Apolonio Compound, Muntinlupa City; at Joseph Villamor Malasaga, 50, walang trabaho, tubong Javier Leyte, at residente ng Brgy. Maligaya, Caloocan City.
Nadakip sila matapos ang operasyon ganap na alas-11:30 ng umaga sa bahagi ng Maysan Road corner Cecilio J Santos St., Valenzuela City.

Nasamsan sa tatlo ang may 12 kilo ng puting crystalline substance na hinihinalang shabu na may tinatayang Standard Drug Price (SDP) na P81 Million, buy bust money, isang Honda Civic color green ba may plakang UFY 330, dalawang cellphone at sari-saring dokumento na kasalukuyang isinasailalim sa beripikasyon at balidasyon.
Ayon kay Danao, ang mga suspek ay mga bagong nakilalang distributor ng ilegal na droga na ginagamit ng mga target na nakalista sa ilalim ng COPLAN Brubaker.

Ang nasabing COPLAN ay naglalayon na magsagawa ng mas pinaigting na case build up at police operations laban sa mga Filipino at Filipino Chinese National na hayagang nagpapakalat ng shabu sa mga lugar ng NCR, Regions 3 at 4A kasama ng mga PUPC at PDL sa loob ng mga detention at correctional institution.

Ang mga naarestong suspek at mga nakumpiskang ebidensya ay pansamantalang nasa kustodiya ng SOU NCR, PNP DEG para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon. (Val Leonardo/BENJAMIN CUARESMA/EGR/ai/mtvn)

Leave a Reply