Mapanirang ‘Crown of Thorns’ sa corals muling binigyan pansin ng Batangas LGUs

Mapanirang ‘Crown of Thorns’ sa corals muling binigyan pansin ng Batangas LGUs

BATANGAS City — Dahil sa lumalaking banta ng mapanirang Crown of Thorns sa coral reefs ng karagatan ng lalawigan ng Batangas ay muling binigyan pansin ang naturang isyu ng local government units na may nasasakopang aplaya o karagatan.

Sa pangunguna ng provincial government, muling nagpulong ang mga stakeholders mula sa 13 na mga coastal local government units ng Batangas at iba’t ibang mga ahensya upang pagtalakayan ang crown of thorns (COT) o “taeng kalabaw.”

Ito ay isang uri ng starfish na kumakain sa coral reefs, at lubhang nagdudulot ng sakit kapag naapakan ito ng mga manlalangoy dahil ang mga tinik ito.

Ang pulong ay ginanap noong ika-20 ng Mayo 2022 sa PGENRO Conference Room, Capitol Compound, Batangas City.

Pinag-usapan dito ang mga isinasagawang mga hakbangin ng mga coastal LGU’s kung saan naunang nakita ang COTs, kabilang ang Balayan, Bauan, Calatagan, Lemery, Lian, Lobo, Taal, Mabini, Nasugbu, San Juan, San Luis, Tingloy at Batangas City.

Patuloy naman ang pagtulong at pakikipag-ugnayan ng pamahalaang panlalawigan, sa pangunguna ng Provincial Government Environment and Natural Resources Office, Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) at Provincial Tourism ang Cultural Affairs Office (PTCAO), upang mapigilan ang pagdami ng mga COTs na maaaring makasira sa likas na yaman ng baybayin ng lalawigan, partikular ang mga coral reefs na dinadayo ng mga divers at turista.

Nakiisa sa pagpupulong sina PGENRO chief Luis Awitan, PDRRM Officer Lito Castro, PTCAO OIC Jaida Castillo, at mga kinatawan ng Batangas Marine Protected Area at Bantay Dagat Network, Philippine National Police (PNP) – Batangas Province, PNP Maritime, Philippine Coast Guard, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, Divers Association, Conservation International Philippines, at Batangas State University.

Kamakailan lamang ay may mga naging biktima ng COTs na beachgoers na dahil sa sobrang sakit matapos nilang maapakan ito ay isinugod sila sa pinakalamapipt na ospital sa Anilao, Mabini, Batangas.

(Ogima/Mon Antonio A. Carag III, Batangas Capitol PIO)

Leave a Reply