Marcial, 3 pa naka-gold; Gilas bigo kontra Indon squad, 81-85!

Marcial, 3 pa naka-gold; Gilas bigo kontra Indon squad, 81-85!

HANOI – Nirapido ni Tokyo Olympics bronze winner Eumir Marcial ang kanyang hindi kilalang kalaban sa Timor-Leste para pamunuan ang final-day, four-gold medal haul, pero dismayado naman sa pagkabigo ng Gilas Pilipinas sa misyon nito, Linggo sa 31st Southeast Asian Games dito at sa kabuuan, pang-apat na overall finish lamang ang nakalap ng bansang ‘Pinas.

Nagpamalas ng superyoridad, agad na pinasadahan ni Marcial ang oposisyong si Delio Anzaqeci Mouzinho, sapat na para ipataw ang isang referee-stopped contest (RSC) na panalo sa unang round ng middleweight finals, kasunod ng maningning na tagumpay na naitala nina Ian Clark Bautista at Rogen Ladon sa Bac Ninh stadium.

Narito ang ilan sa maiinit na tagpo sa pagitan ng laban ng Gilas Pilipinas at Indonesia. Sa unang larawan nasa background si PH coach Chot Reyes na pinagbibitiw ng netizens.

Ngunit ang dapat na positibong kwentong inaabangan ng Tropa Pilipinas ay ang nakagugulantang na 81-85 kabiguan ng Gilas Pilipinas kontra sa wais na’t mataas na Indon squad na inayudahan ni former NBA player Marques Bolden at minaniobra ni dating Gilas coach Raiko Toroman.

Dumating ang pagkatalo matapos namang ang Gilas Pilipinas women’s team ay nalasap ang 93-96 na kabiguan kontra Malaysian squad sa Thanh Tri Gymnasium, pero ang kabiguan ay nasuklian pa rin ng saya dahil nahablot pa ang inaasam na gold medal sa distaff team sa pamamagitan ng winner-over-the-other rule.

Mistulang ang Vietnam na ang naghatag ng pag-asa para makamit ng Gilas women’s squad ang tagumpay, dahil tinalo nito ang Malaysia sa score na 69-65 noong Sabado ng gabi, ang ikalawang talo ng Malaysians sa limang laro.

Naitala ang 4-1 kartada, ang Gilas women ang naghablot ng gold. Kayang pantayan ng Indonesia ang rekord sa panalo nila sa Singapore, Linggo ngunit nangibabaw pa rin ang Gilas, na tinalo ang Indons 93-77 noong Lunes ng nakalipas na linggo.

Ang men’s squad na tinimunan ni Chot Reyes, na hinalinhan sa posisyon si coach Tab Baldwin noong Enero, ay naging ikatlong Philippine team sa kasaysayan ng SEA Games na nabigo sa inaasam nilang gold matapos na magkaparehong nagtapos sa silver ang bansa noong 1979 at 1989 games, kapwa sa Malaysia, kontra 18 title na panalo.

Dahil dito agad na pinutakti si Reyes sa socmed na agad magbitiw, kung saan pinupunto ng kanyang mga kritiko na ang biennial competition ay ang pinakamababa na umanong porma ng hostilidad sa Asia.

Huling naging coach si Reyes ng Gilas noong 2014 Asian Games sa Incheon, South Korea, na ang koponan ay naisubi lang ang tatlong panalo sa pitong laro para magtapos sa ikapitong puwesto sa overall.

Diskaril sa kilabot ng pagkatalo, nagsilbing inpirasyon naman ang panalong naiposte ni Ladon, na tinalo si Thao Tran Van ng Vietnam 3-2 sa men’s 52kg division, at Bautista, na niyanig si Naing Latt ng Myanmar 5-0 sa men’s 57kg class.

Ang iba pang Pinoy boxer sa finals, natalo si Tokyo Olympian Irish Magno kay Vietnamese Nguyen Thi Tam sa women’s flyweight championship para makuha ang silver, na parehong kapalaran na dinanas ng esports team sa League of Legends showdown laban sa Vietnam 0-3.

‘Pinas 4th overall

Tinapos ng Philippine contingent, na suportado ng Philippine Sports Commission at Philippine Olympic Committee, ang 12-araw na biennial games sa paghablot ng 51 gintong medalya sa itaas ng 67 pilak at 92 tansong medalya, isang malaking pagbaba mula sa napakahusay nitong kampanya tatlong taon na ang nakalilipas nang ito ay humakot ng pangalawang pangkalahatang korona ng bansa na may medal tally na 149-117-121.

Inilagay ng host Vietnam ang finishing touches sa dominanteng pagratrat nito sa overall crown na may 193-115-109 haul, sinundan ng Thailand (84-96-126) at Indonesia (63-83-74).

Ang Singapore, na nakakuha ng ika-apat na overall mula sa Pilipinas noong Biyernes, ay nanatiling sa 47 golds na may 45 silver at 67 bronze medals para sa ikalimang puwesto

Sa 11 kalahok na bansa dito, tanging ang Timor Leste ang nabigong manalo ng ginto.

Si Bolden, na naglaro para sa Cleveland Cavaliers, ang nagsilbing inspirasyon para sa Indon squad na nagtapos na may 6-0 karta, kasama si Abraham Grahita na nagbigay din ng suporta.

Habang ang kanyang mga kasamahan sa koponan ay nanonood mula sa gilid, si Marcial, 26, na nanalo na ng dalawang pro fights, ay pumasok agad sa lona sa pagtunog ng bell, na naghatid ng mga solidong suntok sa kanyang kalaban.

“I shouted to him to extend the fight, but it didn’t reach the last two-minute mark, I guess. The referee just stopped the fight,” bulalas ni women’s featherweight bronze medalist Nesthy Petecio sa pag-cheer niya kay Marcial.

Tinapos ng Pilipinas ang boxing competition na may tatlong gold medals, isang silver at limang bronze medals, malayo sa pitong golds, tatlong silver medals at dalawang bronze medals na napanalunan ng bansa sa 2019 SEA Games.

“I congratulate Malaysia. They still had that heart to play the game. Even though they were down, we really had a hard time. They were making shots,” sambit ni Gilas Women coach Pat Aquino.

Ang Gilas women ay may average winning margin na 23 points sa kanilang nakalipas na apat na asignatura at maipanalo ang kanilang ikalawang sunod korona sa SEA Games.

“I still tap my hat off for the girls. They played their hearts out. It’s just not as sweet as we want it to be. But we are still gold medalist. I’m so proud of them having that feat,” saad ni Aquino.

(em/ai/mtvn)

Leave a Reply