3 Most Wanted Persons Provincial Level Nadakip ng Batangas PNP

3 Most Wanted Persons Provincial Level Nadakip ng Batangas PNP

Batangas Police Regional Director Glicerio Cansilao

STO TOMAS, Batangas — Inihayag ni PCOL GLICERIO CANSILAO, Provincial Director ng Batangas PPO kay PBGEN ANTONIO YARRA, Regional Director ng PRO CALABARZON ang pagkaaresto sa tatlong (3) Most Wanted Person sa Provincial Level kahapon Mayo 21, 2022 sa magkakahiwalay na operasyon sa Batangas bilang parte ng pinaigting na Simultaneous Anti Criminality Law Enforcement Operation ng Batangas PNP na nagsimula ng Mayo 18, 2022 at magtatapos sa Mayo 27, 2022.

Bandang 8:25 ng umaga ng Mayo 21, 2022 sa San Juan Subdivision, Brgy. Malaruhatan Lian Batangas nadakip ng pinagsanib na pwersa ng Lian Municipal Police Station at Batangas 2nd BPMFC ang tinaguriang Rank 5 na si Bryan Lundag Mercado, 43 taong gulang, walang asawa, welder at residente ng Brgy Malaruhatan Lian, Batangas sa bisa ng Warrant of Arrest na may Criminal Case # N-22-5498 sa kasong Rape (Sexual Assault) na inilabas ni Hon. WHILHELMINA B. GO-SANTIAGO, Presiding Judge Regional Trial Court, Branch 14, Nasugbu, Batangas noong Mayo 6, 2022.

Nangyari ang nasabing krimen noong taong 2021 sa Nasugbu, Batangas na kung saan ang biktima na dati niyang kinakasama ay naghain ng reklamo sa akusado. Ang piyansa para sa pansamantalang paglaya ni Mercado ay tinatayang nasa Php 200,000.00 at ngayon ay pansamantalang nasa kostodiya ng nasabing station ang akusado.

Nadakip din ng pinagsanib pwersa ng Lobo Municipal Police Station, RIU 4A, PIT Batangas, 1st Batangas PMFC and 403rd RMFB ang Rank 8 MWP Provincial Level na si Marlon Canatuan y Mendez, walang asawa, 30 taong gulang, walang trabaho, tubong Brgy. Balibago Lobo, Batangas at kasalukuyang naninirahan sa Brgy.Malabrigo Lobo, Batangas.

Inihain ang warrant of arrest laban sa akusado na may kasong Acts of Lasciviousness in Rel. to RA 7610 na inilabas ni HON. ROSE MARIE J. MANALANG-AUSTRIA, Executive/ Presiding Judge, Regional Trial Court, Branch 87, Rosario Batangas sa ilalim ng Criminal Case Number 2022-4817 noong Abril 12, 2022.

Agosto 15, 2021 bandang alas 05:00 hapon sa Sitio Lumbangan, Brgy Balibago, Lobo, Batangas nangyari ang krimen at noong Agosto 19, 2021 ang biktima kasama ang kanyang ina ay personal na nagpunta sa Lobo Municipal Police Station upang pormal na magsampa ng reklamo laban sa suspek.

Sa kabilang dako naman, sa pinagsanib na pwersa ng Mataas na Kahoy Municipal Police Station Warrant PNCO, PIT Batangas, RIU 4A at Parañaque City Police Station nahuli si Nelson Madrona y Borja, edad 21, may asawa, construction worker at nakatira sa Brgy Santol, Mataas na Kahoy, Batangas at tinaguriang Rank No. 11, Provincial Level. Inihain ang Warrant of Arrest laban kay Madrona dakong ika- 7:00 ng gabi sa kaparehong araw sa Brgy Santol, Mataas Na Kahoy, Batangas para sa kasong Robbery (Hold-Up) sa ilalim ng criminal case number 2018-1625 na inilabas ni Presiding Judge Moises D De Castro of Regional Trial Court, National Capital Judicial Region, Branch 10-FC, Parañaque City noong March 1, 2022.

Noong Hunyo 11, 2017 sa Kalayaan National High School Parañaque City nangyari ang krimen na kung saan ang biktimang estudyante ay pinagnakawan ng suspek at dalawa pang kasama nito ng mga mahahalagang gamit.

“Nagpapasalamat ako sa ating mga tauhan sa kanilang determinasyon sa kanilang trabaho. Ito ay patunay na ginagampanan namin ang aming sinumpaang tungkulin na ipatupad ang batas at panatilihin ang kaayusan at katahimikan ng ating komunidad,” saad ni RD Yarra. (ai/mtvn)

Leave a Reply