Mandanas pinarangalan bilang Gold Dededicated Service at Lingkod RDC awardee

Mandanas pinarangalan bilang Gold Dededicated Service at Lingkod RDC awardee

BATANGAS City — Kinilala ng Regional Development Council (RDC) CALABARZON si Batangas Governor DoDo Mandanas bilang Gold Dedicated Service at Lingkod RDC awardee, sa isinagawang 2nd Quarter RDC meeting kamakalawa sa NEDA IV-A Building, Barangay Milagrosa, Calamba City, Laguna.

Ang nasabing mga pagkilala ay iginawad sa punong-lalawigan sa bisa ng magkahiwalay na resolusyon na inendorso ng Sectoral Committee on Macroeconomy and Development Administration noong ika-13 ng Mayo at inaprubahan ng buong pamunuan ng RDC.

Ang Gold Dedicated Service Award ay ipinagkakaloob sa mga miyembro at opisyal ng RDC na nakapaglingkod ng labing-limang taon. Batay sa isinasaad ng RDC Resolution No. IV-A-42-2022, si Gov. Mandanas ay aktibong nakikiisa at sumusuporta sa Regional Development Council, bilang miyembro at chairperson, simula pa noong unang magsilbi siyang gobernador ng lalawigan ng Batangas, taong 1995 hanggang 2004, at nang muling maging local chief executive ng probinsya, taong 2016 hanggang taong kasalukuyan.

Bukod sa kaniyang mahabang taon na pagbibigay serbisyo bilang bahagi ng RDC, kinilala rin ang gobernador bilang tagapagsulong ng local government empowerment sa buong rehiyon.

Samantala, sang-ayon naman sa RDC Resolution No. IV-A-43c-2022, ibinibigay ang Lingkod RDC Award upang kilalanin ang mahalagang kontribusyon at aktibong partisipasyon sa mga isinasagawang pagpupulong ng RDC ng mga outgoing o magtatapos na panunungkulan ng mga miyembro at opisyal nito.

Si Governor Mandanas, na muling naging chairperson ng RDC para sa term period na October 2019 hanggang June 2022, ay naging tagapamuno rin ng Luzon Regional Development Committee simula June 2020 at magtatapos ngayong Hunyo 2022.

Sa kaniyang paglilingkod, ipinamalas ng gobernador ang natatangi niyang ambag na sumuporta sa community outreach at convergence activities ng RDC. 

Nagkaroon din si Governor Mandanas ng mahalagang gampanin para sa paglalatag at pagbubuo ng mga probisyon na higit na kinakailangan sa preparasyon ng iba’t ibang programa na may kaugnayan sa investment, rehabilitation, recovery, at development plans.

Itinanyag din sa nasabing resolusyon ang kaniyang makasaysayang Mandanas petition o mas kilala bilang Mandanas Ruling at ang patuloy niyang pagsusulong para sa ganap na debolusyon o paglilipat ng mga natukoy na kapangyarihan, proyekto, programa, serbisyo, at kaukulang pondo ng iba’t ibang ahensya ng Pamahalaang Nasyunal sa mga Local Government Units, na pinagtibay kamakailan sa pamamagitan ng Executive Order No. 138.

Lubos naman ang kagalakan at pasasalamat ni Governor Mandanas sa kaniyang mga natanggap na pagkilala, kung saan ipinabatid niya na tuloy-tuloy lamang ang mga inisyatibong pangkaunlaran at pagsisikap para sa isang tapat at mahusay na pagbibigay ng serbisyo sa publiko. (Ogima)

Leave a Reply