Most Wanted at Miyembro ng Gun for Hire Group, Timbog sa Lipa

Most Wanted at Miyembro ng Gun for Hire Group, Timbog sa Lipa

LIPA City — Arestado ng mga awtoridad ang itinuturing na most wanted person sa CALABARZON at miyembro ng “Antonio Camo Gun for Hire Group” matapos maghain ng warrant of arrest ang pinagsamang puwersa ng Provincial Intelligence Unit-BPPO, Lipa City Police Station, San Juan Municipal Police Station, Naval Intelligence and Security Group Southern Luzon, at 1st Batangas Provincial Mobile Force Company.

Dakong alas-12:50 ng hapon kamakalwa sa Barangay Banay Banay nang madakip ang suspect sa lungsod na ito.

Sa ulat ni Batangas PPO Provincial Director, PCOL GLICERIO C CANSILAO kay PRO CALABARZON Regional Director, PBGEN ANTONIO C YARRA, nakilala ang akusado na si Alberto Buenavista @ Albert, 37, farm boy, tubong Candelaria Quezon at kasalukuyang naninirahan sa Brgy. Emelda, San Juan, Batangas.

Naaresto ang suspek sa bisa ng Warrant of Arrest na inisyu ng Branch 85, Lipa City Batangas, para sa kasong murder sa ilalim ng criminal case no. CC 07-0679-2018 na walang kaukulang piyansa at frustrated murder sa ilalim naman ng criminal case no. CC 07-0680-2018 na may P200,000.00 halaga ng piyansa.

Nangyari ang insidente ng pagpatay taong 2018 sa Brgy. Pinagkawitan Lipa City kung saan ang biktima ay si Ronaldo M Mendoza.

Base sa report, ang grupong “Antonio Camo Gun for Hire Group” ay nag-ooperate sa ikalawa at ikatlong Distrito ng Batangas.

“Patuloy po ang inyong kapulisan sa pagtugis sa mga taong wanted sa batas. Ipag-bigay alam sa mga awtoridad ang mahahalagang impormasyon hinggil sa mga taong nagtatago sa batas para mabigyang hustisya ang kanilang mga nabiktima. Gayundin ang mga impormasyon hinggil sa mga grupong kriminal para mapigilan ang kanilang iligal na mga gawain,” wika ni PBGEN YARRA. (Ogima)

Leave a Reply