LTO nanindigan sa bagong vehicle registration scheme

LTO nanindigan sa bagong vehicle registration scheme

Mas humaba ang pila ng pagproseso para sa CoC validation at authentication sa pagrerehsitro ng sasakyan gamit ang LTMS sanhi ng problema sa internet connectivity. (Larawan: The Blahger )

Ni Tracy Cabrera

MANILA — Pinaninindigan ng Land Transportation Office (LTO) ang plano nitong ipatupad ang bago nitong vehicle registration scheme sa kabila ng babala ng Commission on Audit (CoA) ukol sa posibilidad na magbigay daan ito sa mga iregularidad na hindi makakabuti sa publiko.

Batay sa insiyal na mga ulat, pinag-utos ng Management Information Division ng LTO (LTO-MID) sa mga tanggapan nito at sangay sa buong bansa na gamitin na ang kanilang Land Transportation Management System (LTMS) sa pagpapatunay at pagpapatotoo ng Certificate of Cover (CoC) na kinakailangan para sa motor vehicle registration.

Naglabas ang ahensya ng memorandum makaraang mag-isyu ang Insurance Commission (IC) ng paalala sa kanilang website noong Abril 29 na ang Electronic Compulsory Third Party Liability (eCTPL) Application Programming Interface (API) na kasabay na gagamitin ng LTO, Government Service Insurance System (GSIS), Philippine Insurers and Reinsurers Association (PIRA) at Organization of Insurance Companies in the Philippines (OICP) simula sa Mayo 2 ng kasalukuyang taon.

Nilinaw ng LTO na sa ngayon, ang LTMS ay gagamitin lamang para sa lahat ng registration renewal hanggang sa makayanan na nitong pangasiwaan ang mga bagong motor vehicle registration.

Sanhi ng mabagal na pagproseso ng LTMS, mahahabang pila ng mga magrerehistro ng kani-kanilang sasakyan ang nabuo sa mga tanggapan ng LTO sa unang araw ng pagpapatupad ng direktiba.

Ayon sa ilang kawani ng LTO, ang dating limang-minutong processing time para sa CoC validation at authentication gamit ang dating sistema ay umaabot ngayon ng kalahating oras o mahigit 30 minuto sa piling mga sangay ng LTO na kung saan may problema ang internet connectivity.

Napaulat din na nakaranas ng matinding hirap ang kompanya ng insurance sa pag-upload ng datos na kailangang ipasok sa LTMS. (ai/mtvn)

Leave a Reply