Buwanang suweldo ng mga kasambahay sa NCR tinaas sa P6k

Buwanang suweldo ng mga kasambahay sa NCR tinaas sa P6k

Ni Tracy Cabrera

MANILA — Itinaas na ng Department of Labor and Employment (DoLE) ang buwanang suweldo ng mga domestic helper (DH) o kasambahay sa Kalakhang Maynila mula sa P5,000 sa P6,000, batay sa ipinalabas na kautusan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board.

Ayon kay labor and employment secretary Silvestre Bello III, tinatayang nasa 200,000 mga kasambahay sa National Capital Region o NCR ang makikinabang sa bagong taripa na kung saan 60 porsiyento ng mga DH at pawang naninirahan sa bahay ng kani-kanilang mga amo o employer.

“Kailangan na ring itaas ang sahod ng ating mga kasambahay upang masustenihan nila ang kanilang mga pangangailangan bagama’t kadalasan ay kasama sa kanilang employment ay ang free board and lodging. Tumataas na po ang mga bilihin kaya dapat nating tugunan din ang kanilang mga hinaing na maliit na suweldo,” ani Bello sa panayam ng Maharlika TV News.

Bukod sa Kalakhang Maynila, itinaas din ang minimum wage nag nag kasambahay sa Zamboanga Peninsula at Northern Mindanao sa P3,500 at sa Central Visayas naman sa P5,500 kada buwan. (ai/mtvn)

Leave a Reply