QCPD Number 1 sa Community Safety at Security Perception

QCPD Number 1 sa Community Safety at Security Perception

Ni Tracy Cabrera

Ilan sa miyembro ng QCPD habang nagbibigay pugay sa bandila ng Pilipinas sa regular nilang flag raising ceremony tuwing araw ng Lunes. (Photo: B)

MANILA — Nanguna ang Quezon City Police District (QCPD) sa talaan ng pinakaligtas na komunidad at pinakamataas na antas ng seguridad sa isinagawang Community Safety and Security Perception Survey (CSSPS) para makuha ang pinakamataas na rating sa buong distrito ng National Capital Region Police Office (NCRPO).

Malugod na nagpasalamat si QCPD director Brigadier General Remus Medina sa kanyang mga tauhan na siyang dahilan kung bakit nakamit ng kanilang distrito ang ganito uri ng pagkilala at parangal sa hanay ng mga pambansang pulisya.

Pinasalamatan din ni Medina ang publiko: “Lubos po akong nagpapasalamat sa ating mamamayan sa kanilang tiwala na binigay samin, makakaasa po kayo na ang Team QCPD ay gagawin ang lahat upang mapapanatili natin ang kaligtasan at seguridad ng bawat mamamayan ng Lungsod Quezon.”

Ang survey ay ginanap noong buwan ng Abril ng taong kasalukuyan na nilahukan ng 98 indibiduwal na kung saan ay nakakuha ang QCPD ng 3.34. Sinundan naman ito ng Southern Police District (SPD) na may rating na 3.26; 3.24 naman ang nakuha ng Manila Police District (MPD); na sinundan ng Eastern Police District (EPD) na may rating na 3.06 at ang nakakuha ng pinakamababang score ay ang Northern Police District (NPD) na nakakuha ng 3.03.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) officer-in-charge Lieutenant Gen. Vicente Danao Jr., ang CSSPS ay isinagawa upang magbigay ng pagkalahatang assessment ng ibat-ibang aspeto ng kaligtasan at seguridad kabilang ang personal/pisikal na kaligtasan, seguridad sa ari-arian at seguridad ng social media sa National Capital Region (NCR).

“Ang survey na ito ay (isinasagawa taun-taon at) naglalayon na pahusayin ang kasalukuyang programa, simulan ang mga reporma sa mga kahinaan ng organisasyon, at ipatupad ang isang perpektong konsepto ng pagpapatakbo ng pagtaas ng posibilidad ng kaligtasan at seguridad ng mamamayan,” ani Danao.

Napag-alaman na ang mga kalahok sa survey ay nagmula sa ibat-ibang sektor ng komunidad tulad ng mga sumusunod: ang academe, mga religious group, business sector, youth, transport at courier services, labor organization at local government units (LGUs).

(ai/mtvn)

Leave a Reply