OFWs, seafarers bigyan na ng 2nd booster shots — DOH

OFWs, seafarers bigyan na ng 2nd booster shots — DOH

Isang senior citizen ang tinuturukan ng second booster para sa karagdagang proteksyon laban sa Covid-19. (Larawan: Philippine News Agency)

Ni Tracy Cabrera

MAYNILA — Sa gitna ng paalala ng mga health experts ukol sa tumataas na namang bilang ng mga nagkakasakit ng Covid-19, inihayag ng Vaccine Expert Panel (VEP) ng Department of Health (DoH) na hinihiling ng ahensya sa Food and Drug Administration na isama na sa mga dapat bigyan ng second booster dose ng bakuna ang mga overseas Filipino workers (OFW), particular na ang mga tripolante at iba pang mga nagtatrabaho sa barko.

Sa pahayag ni VEP member Nina Gloriani kailangan nang maglabas ang DFA ng desisyon na aprubahan ang ikalawang booster shot para sa mga OFW at mga seaman at gayun din ang mga guideline para dito bukod sa pagbabakuna na rin karagdagang booster sa ‘general population.’

“Pero ang pagkakaalam namin, ang DoH ay may request na sa FDA na palawigin o i-expand, especially ang second booster, dito sa ating mga seafarer at OFW,” punto ni Gloriani.

“We are recommending that… especially doon sa mga may mga maraming comorbidities kahit hindi sila considered under doon sa dinefine ng WHO na immunocompromised,” dagdag pa ng vaccine expert.

Una nang isinulong ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. na palawigin at isama sa second booster dose ang mga OFW at unipormadong personnel ng pamahalaan tulad ng mga pulis at sundalo at pati na ang mga indibiduwal na mayroong mga comorbidity.

Sa ngayon, tanging mga frontliner lamang, partikular ang mga healthcare workers, senior citizens at immunocompromised, ang maaaring tumanggap ng second booster dose.

Ayon sa DoH, ang mga immunocompromised individuals ay ang mga nasa immunodeficiency state, gaya ng HIV, active cancer o malignancy, transplant recipients, sumasailalim sa steroid treatment, pasyenteng nakaratay at iba pang immunodeficiency na sertipikado ng doktor. Kabilang sa mga taong may comorbidities o A3 priority group ay nasa 18 to 59 na may “any controlled comorbidity.” (ai/mtvn)

Leave a Reply