Simula ngayong Hulyo, mga senior citizen sa Pasig tatanggap ng pensyon

Simula ngayong Hulyo, mga senior citizen sa Pasig tatanggap ng pensyon

Kinalap ni Tracy Cabrera

Pasig City Mayor Vico Sotto (Phil News)

PASIG CITY, METRO MANILA — Abut-abot ang pasasalamat ng mahigit sa 16,000 na mga senior citizen sa lungsod ng Pasig makaraang ihayag ng pamahalaan na makakatanggap na sila ng pensyon mula sa city hall ayon sa tanggapan ng Office of the Senior Citizen Affairs o OSCA.

Nilinaw ni Pasig City mayor Vico Sotto na inilunsad nila ang programa para sa pamamahagi ng local pension para sa mga senior citizens upang mabigyan ng kaunting tulong at pagkilala na rin sa mga kontribusyon sa lipunan ng mga may edad na at nakatatanda sa lungsod.

Hinayag ni Sotto na sa datos ng pamahalaang lungsod, may 16,669 seniors ang na-validate na at makakatanggap ng 500 pesos kada buwan simula ngayong buwan ng Hulyo.

Ang mga kuwalipikado na tumanggap sa local pension na ito ay ang mga may edad na 65 taong gulang pataas na may dalawang taon nang nakatira sa Pasig, walang trabaho at wala ding natatanggap na ayuda o pensyon maliban sa ipinapamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

“Uunahin muna natin ang mga senior citizen na nasa laylayan ng lipunan na talagang salat sa kanilang pangangailangan, partikular na sa kanilang mga medisina at pagkain dahil sa ang ating sandigan mula sa ating pinagmulan,” ani Sotto.

Nagpaabot din ng pasasalamat ang alkalde sa may akda ng Pasig Senior Citizen Code sa pangunguna ni konsehal Edith Santiago at mga tauhan nito at gayun din sa Office of the Senior Citizens’ Affairs at ang Mayor’s Office Legislative Team ng Pasig City.

Para sa mga nagnanais ng karagdagan o kumpletong detalye ukol sa programang ito, bisitahin lamang ang opisyal na Facebook page ng Pasig City Public Information Office na https://www.facebook.com/PasigPIO.

(ai/mtvn)

Leave a Reply