UNANG SONA NI PBBM MAPAYAPA — PNP

UNANG SONA NI PBBM MAPAYAPA — PNP

By Arwen Pascua

MANILA — Sa pangkalahatan, naging mapayapa ang unang State of the Nation Address (SONA ) ni Pangulong Bongbong Marcos.

Ito ang naging pahayag kahapon ng Philippine National Police (PNP) sa katatapos na political event na kagaya sa mga nakalipas na mga SONA, ay dinaluhan ng mga militanteng grupo na nagsagawa ng mga kilos-protesta sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City.

Maging ang kilos-protesta ng militanteng grupo ay wala ring naiulat na karahasan habang nabigo silang sunugin ang effigy ni PBBM makaraang umulan at malusaw ito.

Mag-aalas-12 ng tanghali ay napilitan nang likasin ng mga militante ang Commonwealth Avenue malapit sa Brgy. Old Balara, na siya lamang pinahintulutan ng pamunuang lungsod na lugar ng kanilang pagdadausan ng mga kilos-protesta.

Sinabi ni Quezon Police District Director Brig. Gen. Remus Medina na nasa 4,000 ang sumamang militate subalit kontrolado ang mga ito.

Sa kabilang banda, sinabi ni PNP Public Information Office chief, BGen. Roderick Augustus Alba na hanggang alas-6 ng gabi ay wala silang natatanggap na anumang untoward incident na may kinalaman sa unang SONA ng Pangulo.

Ipinagpalagay naman ni Alba na dahil sa kooperasyon ng taumbayan kaya nakamit ang matiwasay at organisadong SONA ng Pangulo.

Gayundin din ang ugnayan ng lahat ng ahensiya na kasama sa security operations.

“We attribute the peaceful and orderly SONA to the cooperation, collaboration and coordination of all agencies involved in the planning and implementation of the security plans,” ayon sa pahayag ng PNP.

Magugunitang sinabi ni PNP Director for Operations, Maj. Gen. Val De Leon na nasa 22,000 personnel ng PNP ang nakakalat hindi lang sa paligid ng Batansang Pambansa kundi sa mga istratehikong lugar sa Metro Manila kasama na ang mga boundary.

Ang nasabing numero ay kinabibilangan ng personnel sa PNP, Philippine Coast Guard, Armed Forces of the Philippines, Metropolitan Manila Development Authority, Bureau of Fire Protection at Department of Health. (ai/mtvn)

Leave a Reply