DENR nagbabala laban sa pagpapakawala ng palaka at isda kontra lamok

DENR nagbabala laban sa pagpapakawala ng palaka at isda kontra lamok

ALAM BA NEWS?
Ni Cip D.C. Cabrera

Napatunayan nang hindi tunay na epektibong pampuksa ng lamok na may dalang dengue o anumang sakit ang pagpapakalat ng mga palaka at isda, bagkus ay maaari pa itong makasama sa ating kalikasan. (Larawan mula sa Pest Control Philippines)

MAYNILA — Sino naman kaya ang nakaisip na magpakawala ng mga isda at palaka para puksain ang mga lamok na may dalang sakit na dengue?

Kung hindi man walang sapat na kaalaman ay tiyak na nais lang pumapel ang nagpanukala nito para masabing umaaksyon sila sa lumalalang problema ng paglaganap ng nasabing karamdaman na kumitil na sa maraming inosenteng buhay sa nakalipas na mga buwan.

Ayon kay Department of Environment and Natural Resources-Biodiversity Management Bureau (DENR-BMB) director Natividad Bernardino, sadyang may panganib sa publiko ang pagpapakawala ng mga palaka at isda sa mga latian at nakaimbak na tubig para labanan ang dengue outbreak dahil maaari itong makasira sa ecological balance ng ating kapaligiran.

Bukod dito, ikinatuwiran pa ng opisyal na ang paggamit ng mga isda at palaka laban sa mga lamok ay hindi tunay na epektibo dahil hindi rin lang naman lamok ang kanilang kinakain kundi maging mga plant material hanggang sa malilinggit na hayop.

Sa mga pag-aaral ng mga paham, ang mga adult frog ay kumakain ng maraming bagay at ang mga lamok ay hindi nila pangunahing food source.

At batay sa pag-aaral na isinagawa ng biologist na si Jodi Rowley sa pahihing epektibo ng mga palaka laban sa Zika virus, nakitang wala pa sa isang porsyento ang lamok sa kanilang diet.

Kaya nga nagbabala si Bernardino na ang uri ng palaka na kung tawagin ay cane toad o Rhinella marina, na pinapakawalan ng ilang mga local government unit (LGU) para labanan ang dengue, ay isa sa pinakamasamang invasive alien species sa mundo.
Ang totoo, sabi pa ni Bernardino, ang paglaganap ng mga lamok ay dahil na rin sa mga environmental condition na nagbibigay daan para sa mas produktibong reproduksyon ng mga disease vector.

Kabilang sa mga kondisyong ito ay ang maruming kapaligiran, mga stagnant at man-made na kanal at pangingialam sa natural na daloy ng tubig at pagkawasak ng ating mga wetlands tulad ng mga ilog, sapa at latian sanhi ng polusyon dulot ng pagtapon ng basura at gayun din ng pagkakaroon ng mga invasive na halaman at iligal na istraktura.
Kaya nga kung nais talaga nating mapuksa o matugunan ng maayos ang lumalaganap na dengue outbreak kailangan nating magkaisa upang maging malinis ang ating paligid at mapan galagaan ang ating paligid at ang kalikasan. (ai/mtvn)

Leave a Reply