EcoWaste naglabas ng toxic chemical alert laban sa mga school supply

EcoWaste naglabas ng toxic chemical alert laban sa mga school supply

ALAM BA NEWS: Ni Cip D.C. Cabrera

Sa nalalapit na pagsisimula ng in-person classes, nagpapaalala ang toxics watchdog group na EcoWaste Coalition sa mga consumer na mag-ingat laban sa mga school supply at accessory na maaaring naglalaman ng mga mapanganib na kemikal tulad ng tingga, cadmium at mga phthalate. (Larawan mula sa EcoWaste Coalition Facebook)

CALOOCAN CITY, Metro Manila — Tunay ngang naging pabaya ang sangkatauhan sa paggamit ng mga biyayang pinagkaloob sa atin ng kalikasan at ng Diyos, tulad ng mga mineral at kemikal na dapat ay ating pinapakinabangan sana subalit ngayon ay may panganib sa ating buhay.

Nagbabala ang environmental health group na EcoWaste Coalition sa publiko na may ilang mga school supply na may dalang mga hazardous chemical na makakasama sa atin, partikular na ang ating mga kabataang mag-aaral.

Ayon kay EcoWaste Coalition national coordinator Aileen Lucero, bago pa magsimula ang face-to-face (F2F) classes ngayong Agosto 22, kinalap ng kanilang grupo ang iba’t ibang mga school supply mula sa ilang mga retailer sa Maynila, lungsod Quezon at iba pang sentro ng urbanidad kabilang na ang Cagayan de Oro, Davao, Iligan City at gayun din ang siyudad ng Lipa mula Hunyo 4 hanggang Hulyo 9 para masuri sa nakakapinsala sa kalusugan na mga heavy metal.

At sa 85 sample na isinailalim sa X-ray fluorescence analyzer, 38 ang nagpositibo para sa lead o tingga at gayun din sa cadmium na sinasabing ‘above levels of concern’.

Sabi pa ni Lucero, na batay sa kanilang isinagawang market investigation, nakita na ang nasabing mga school supply at accessory na gawa sa polyvinyl chloride (PVC) o vinyl plastic at yaong pininturahan nito ay maaaring naglalaman ng toxic cadmium at lead at sa kasawiang-palad ay binebenta ng wala man lang mga warning label.

Idinagdag pa ng EcoWaste coordinator na 31 sa 40 mga sample ng eraser (o pambura) na pinadala ng kanyang grupo at Interfacing Development Interventions for Sustainability sa Wonjin Institute of Occupational and Environmental Health sa South Korea para sa laboratory analysis, napagalamang naglalaman ang mga ito ng toxic phthalates, kabilang na ang Di(2-ethylhexyl)phthalate na pinaghihinalaang isang human carcinogen.

“Lead at cadmium belongs to the World Health Organization’s list of 10 chemicals of major public health concern. These hazardous substances are also included in the country’s Priority Chemical List consisting of chemicals that the Department of Environment and Natural Resources has established to potentially pose unreasonable risks to public health, the workplace, and the environment,” punto ni Lucero.

Sinabi rin ni Dr. Geminn Louis Apostol ng Ateneo School of Medicine and Public Health na kailangang maiwasan ang exposure ng mga kabataan sa lead, cadmium at iba pang mga mapanganib na kemikal gaya ng mga phthalate sa PVC plastic school supplies, kahit sa mababang dosage, dahil napatunayan na ng mga paham na ang mga ito ay nakakasama sa kalugusgan ng tao.

“Young children are at greater risk of exposure to these toxicants compared to adults because their brains and organs are not yet fully developed and they tend to put objects into their mouths. Exposure to lead, in particular, can damage a child’s brain and nervous system, slow growth and development, and cause learning, speaking, and hearing difficulties and behavioral problems,” sambit pa ni Apostol.

(ai/mtvn)

Leave a Reply