ES Rodriguez nagbabala laban sa sugar hoarders

ES Rodriguez nagbabala laban sa sugar hoarders

Ni Liezella Soriano

MANILA — Binalaan ng Malacañang nitong Huwebes ang mga walang prinsipyong mangangalakal laban sa pag-iimbak ng asukal sa gitna ng kakulangan ng panimplang pampatamis.

Inilabas ni Executive Secretary Vic Rodriguez ang babala kasunod ng pagre-raid sa isang bodega sa Pampanga na pinaghihinalaang nag-iimbak ng libu-libong sako ng asukal.

“The BOC’s (Bureau of Customs) Pampanga sugar warehouse raid may very well serve as a warning to unscrupulous traders who are currently hoarding their stocks of sugar in order to profit from the current artificial sugar shortage situation,” ani Rodriguez sa isang pahayag na inilabas ng Office of the Press Secretary (OPS).

Ayon sa OPS, ang pagsalakay ay isinagawa ng Clark-based Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) at Enforcement and Security Service (ESS) – Quick Reaction Team noong Huwebes.

Sinabi ng OPS na iniutos ni Executive Secretary Victor Rodriguez ang pagreraid sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bilang bahagi ng visitor powers ng BOC sa lahat ng customs bonded warehouses.

Natagpuan sa loob ng bodega ang mga hinihinalang nakatagong sako ng imported na asukal mula sa Thailand at kinuha ng mga awtoridad ng Customs ayon sa OPS.
(ia/mtvn)

Leave a Reply