Pangarap Village residents sa Caloocan kinulong ng real estate developer CDI

Pangarap Village residents sa Caloocan kinulong ng real estate developer CDI

CALOOCAN City — Matindi ang pangamba ngayon ng mga residente ng Pangarap Village sa Caloocan City makaraang maglagay ng mga harang o blockade ang mga tauhan ng real estate developer na Carmel Development Incorporated (CDI) sa paligid ng kanilang komunidad para hindi makapasok ang mga awtoridad na nagnanais na tulungan ang mga maralitang pamilya na naninirahan sa nasabing lugar.

Inireklamo ng mga residente ng komunidad, na sakop ng Barangay 181 at 182 sa 56 Quirino Highway, na kinulong sila ng mga blockade sa loob ng kanilang village at binarikadahan sila upang hindi makatanggap ng anumang tulong mula sa kinauukulang mga ahensya ng pamahalaan, particular na ang Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP).

Ayon kay Ronildo Palmera, pangulo ng mga concerned citizen ng Pangarap Village, naglagay ang mga tauhan ng CDI ng kongkreto harang sa likuran ng nag-iisang daanan papasok at palabas ng komunidad habang sa may entrada naman ay naglagay sila ng mga sandbag upang walang makakapasok o makakalabas na mga sasakyan.

“Dito po sa Pangarap Village, kaninang madaling araw, ng August 19, 2022, mga 1:30 a.m., naharangan ang nag-iisang daanan palabas at papasok . . . dahil na rin sa dami ng mga guwardya ng Carmel Development Inc. na may hawak na mahahaba at matataas na kalibre ng baril at naisagawa nilang bakuran ng semento ang daanan na tanging dinadaanan ng mga tao at sasakyan ng komunidad,” paliwanag pa ni Palmera sa text message.

“Hindi lamang pagharang sa nag-iisang lagusang kundi nilagyan din nila ng mga sandbag at barbed wire and kalsada mismo bago dumating sa lagusan para walang makadaan na mga sasakyan,” dagdag pa nito.

Matinding paghihirap ang naranasan ng mga residente ng Pangarap bago pa nagkaroon ng pandemya ng coronavirus at tatlong taon na silang walang kuryente o tubig na nagbunsod sa mga parent-teacher association ng dalawang eskuwelahan sa village na maghain ng petisyon para pigilan ang CDI na harangin ang Manila Electric Co. (Meralco) para sa kanilang serbisyo sa komunidad.

Binaliwala rin diumano ng CDI management ang petisyon at sa halip ay pinayagan lang na magkaroon ng kuryente sa health center, barangay hall at dalawang paaralan sa sandaling panahon lamang na umabot lamang ng halos isang buwan.

Ang Pangarap Village ay nasa ilalim ng isang land dispute case sa pagitan ng mga residente nito at CDI kung saan ang mga ligal negosasyon ay suportado ng PCUP ang mga residenteng maralita. (ai/mtvn)

Leave a Reply