Karera ng kabayo ititigil na ng Manila Jockey Club matapos ang 15 dekada

Karera ng kabayo ititigil na ng Manila Jockey Club matapos ang 15 dekada

Karera ng kabayo sa Pilipinas. (Larawan mula sa Asian Gaming Brief)

ALAM BA NEWS: Ni Cip D.C. Cabrera

MAKATI CITY, Metro Manila — Malungkot na balita para sa “bayang karerista” na, makaraan ang mahigit 15 dekada bilang pangunahing horse racing club sa bansa, hinayag ng Manila Jockey Club (MJC) na ititigil na nila ang pagsasagawa ng itinuturing na ‘sport of kings’ o horse racing simula ngayong taong ito.

Ayon sa opisyal na pahayag ng MJC, “pending ang bagong prangkisa, itutuon ng Manila Jockey Club ang pansin nito, habang nasa interim, sa real estate business at iba pang bagay na ukol dito, kabilang ang pagpapaunlad at pagpaparenta ng mga real estate property ng kompanya.”

Idinagdag pa na ang MJC board ay umaasang walang magiging matinding epekto ang desisyong ito sa kondisyong pinansyal sa kasalukuyang taon ng 2022 at sa darating pang panahon.

Nilinaw din na ang pagtigil sa karera ng kabayo ay hahayaan ng kompanya na makabawi sa mas matatag na mga revenue stream para sa ikakaganda ng kanilang operasyon bilang lehitimong negosyo sa bansa.

Itinatag ang MJC noong 1867, kung kaya’t ito ay isa sa pinakamatandang horse racing club sa buong Asya, subalit lumipas pa muna ang 70 taon bago ito naging isang establisadong business entity.

Nagdesisyon ang board of directors ng kompanya na hindi na muna ipagpatuloy ang kahilingan ng MJC para sa parliamentary franchise nito na nakatakdang magwakas sa Oktubre 23, 2022 at mas minabuting buhayin na lamang ang makasaysayang MJC sa pamamagitan ng pag-apply ng bagong prangkisa alin man sa pangalan nito sa kasalukuyan o sa bagong wholly-owned na subsidiary.

Nagmumula ang ibang mga revenue source ng kompanya sa mga real estate holding nito sa Maynila at Carmona, Cavite.

Una rito, ibinenta ng MJC ang kanilang prime real estate property sa Santa Cruz, Maynila sa Megaworld na pagmamay-ari ng negosyanteng si Andrew Tan sa halagang P1.8 bilyon.

Kasabay ng pagbenta ng kanilang mga ari-arian sa Kamaynilaan at pagpaparenta nito sa kanilang mga horse racing facility, tumatanggap din ang MJC ng interest income mula sa kasalukuyan nilang mga investment at simula noon ay pinalawig na nito ang kanilang operasyon sa gaming, real estate development, leisure activities, travel at sports operations. (ai/mtvn)

Leave a Reply