ALAM BA NEWS: Residente sa Laguna kamuntik himatayin nang makatanggap ng P1.5-M electric bill

ALAM BA NEWS: Residente sa Laguna kamuntik himatayin nang makatanggap ng P1.5-M electric bill

Ni Cip D.C. Cabrera

(Larawan mula sa NoliSoli)

KALAYAAN, Laguna — Isang residente rito ang muntik nang himatayin nang matanggap ang kanyang electric bill para sa buwang ito ng Agosto na umabot sa nakalululang P1.5 milyon.

Subalit makaraang makabawi sa kanyang pagkabigla, pabirong nag-post ang nasabing residente sa kanyang Facebook account at itinanong pa kung ang kanyang billing mula sa kanilang electric provider ay para sa buong munisipalidad nila at hindi sa maliit niyang tahanan.

Binigyang pansin niya ang nakasaad dito na system loss,na umabot sa P115,100 bukod sa iba pang mga malalaking halaga at dinugtungan ng katanungan kung ito raw ba ay hindi wastong pagbasa o reading ng kanilang konsumo sa metro o isa lamang pagkakamali.

Hindi bago ang ganitong insidente at maraming mga kuwento ang nag-viral sa social media na sadyang nakaapekto sa emosyon ng maraming indibiduwal at mga netizen.

Karamihan sa mga ito ay tungkol sa kung paano pinagtagumpayan ng mga ordinaryong tao ang mabibigat na problema na kanilang kinaharap sa buhay. Mayroon din namang mga nakakatawang kaganapan habang mayroon ding nagwakas sa kalungkutan.
Isang guro mula sa Pili, Camarines Sur ang ibinahagi sa social media ang sinisingil sa kanyang electric bill na umabot sa P700K para sa kinonsumo sa loob lamang ng isang buwan.

Dangan nga lang, sa halip na magalit ay tinawanan niya na lang ito at sinabi pang P600K lamang ang kanyang maibabayad kaya humihingi siya ng tulong kung mayroong mabuting kalooban na dadagdagan ang kanyang pera ng P100K para mabayaran nang buo ang kanyang billing at hindi na maputulan pa ng kuryente!

Ayon naman sa utility firm na naningil ng higanteng halaga na Camarines Sur Electric Company 2 (CASURECO2), naiwasto na nila ang maling paniningil at humingi na rin ng paumanhin sa titser bago ibinigay ang kaukulang billing ng kanyang kuryente na umabot lamang sa mahigit P5K.

Maging ang aktres at komedyanteng si Marietta Subong, o Pokwang, ay nakatanggap ng hindi kapani-paniwalang bill ng kuryente na umabot ng P131,000 para sa apat na buwang konsumo. Tinawanan lang ito ng komedyante at ibinahagi pang nabigo siyang kontakin ang Manila Electric Company (Meralco) para alamin ang katotohanan. (ai/mtvn)

Leave a Reply