ALAM BA NEWS: Pambihirang pagong natagpuan sa dalampasigan ng La Union

ALAM BA NEWS: Pambihirang pagong natagpuan sa dalampasigan ng La Union

Kinalap online ni Cip D.C. Cabrera

Isang specimen ng Chinese softshell turtle na natagpuan dito sa karagatan ng Pilipinas (Larawan mula sa Reptile Fact)

SAN JUAN, La Union — Isa pang invasive specie mula sa Tsina ang natagpuan sa karagatan ng Pilipinas, na ayon sa mga conservation group ay sinasabing makakasama sa endemic aquatic life ng bansa.

Nadiskubre ang species ng pagong na Pelodiscus sinesis, o mas kilala bilang Chinese softshell turtle, na lumalaki mula apat hanggang 10 pulgada at kadalasang inaalagaan bilang pet sa Tsina, sa isang ilog kalapit ng bayan ng San Juan sa lalawigan ng La Union.

Walang sinumang residente rito ang nakakaalam o makapagsabi kung paano lumitaw ang kakaibang pagong sa kanilang lugar.

Batay sa salaysay ng punong barangay ng Nagsabaran, makaraang mahuli ang pagong, agad niyang isinuko ang binansagang invasive alien specie (IAS) sa lokal na disaster risk reduction and management office (DRRMO).

Nasaksihan ito ng nongovernmental organization (NGO) na Coastal Underwater Resource Management Actions (CURMA) na siyang nagpapatrolya para protektahan ang mga pagong at kanilang mga pugad laban sa mga panganib para mapangalagaan ang native marine life bukod sa maprotektahan din ang kapaligiran at kalikasan sa dalampasigan ng La Union.

Nilinaw ng CURMA na ang pagong ay itinuturing ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) bilang isang IAS kaya “kinokonsidera na isa itong banta sa mga Philippine endemic at indigenous fish at aquatic animal na matatagpuan sa Pilipinas.”

Idinagdag pa ng Biodiversity Management Bureau ng DENR na ang tinuturing na mga IAS ay“mga organismong lumalaganap sa labas ng kanilang natural distribution at nagiging banta sa mga native ecosystem at biodiversity.”

“Ang pagpapalaganap ng Chinese softshell turtle sa mga wetland at iba pang lugar sa Pilipinas ay walang awtorisasyon at labag sa batas kaya ang nagsagawa nito ay maaaring parusahan ng pagkakabilanggo ng maximum na walong taon at pagbabayad ng multang aabot sa P5 milyon o pareho,” punto ng CURMA sa pagtukoy ng kautusang inilabas ng DENR ukol sa mga animal species na klinasipika bilang IAS.

Sa kabila nito, itinuturing din ang mga Chinese softshell turtles sa maraming bansa sa Asya at maging sa Europa at Australia bilang isang delicacy na niluluto bilang sopas o turtle soup.

Hindi ito ang unang pagkakataon na may nadiskubreng softshell turtle sa bansa dahil may natagpuan din sa Lungsod Quezon may ilang taon na ang nakalipas at ito ay pinahuli sa mga tauhan ng DENR regional office para maprotektahan at hindi na makapaminsala sa balance ng kalikasan. (AI/MTVN)

Leave a Reply