ALAM BA NEWS: Nursing home sa Japan nangangailangan ng mga sanggol

ALAM BA NEWS: Nursing home sa Japan nangangailangan ng mga sanggol

Kinalap online ni Tracy Cabrera

Nasa larawan ang isang sanggol na ‘hired’ ng isang nursing school sa Japan bilang bahagi ng pangangalaga sa mga senior citizen. (Larawan mula sa Times of Malta)

KYUSHU, Japan — Isang nursing home sa isla ng Kyushu sa Japan ang ngayo’y nagre-recruit ng mga sanggol para sa isang napakahalagang trabaho—ang samahan ang mga nakatatandang residente sa lungsod ng Kitakyushu at pasayahin sila para ngumiti at gumaang ang kanilang pakiramdam.

At ang suweldo? Hindi salapi kundi mga diaper at instant milk formula.

Ayon sa tagapangasiwa ng pasilidad, kinakailangan na ang mga bagong ‘hired’ na mga baby na apat na taong gulang lamang at kailangan ding lumagda ang kanilang mga guardian ng kontrata na nagsasaad na maaaring mag-report sa kanilang trabaho ang mga sanggol kung kailan nila gusto.

Pinapayagan din silang magkaroon ng recess o break kapag sila’y nagugutom, inaantok o depende sa kanilang mood.

Sa ngayon, may 30 nang mga sanggol ang nagpahiwatig na lalahok sa kakaibang programa para sa welfare ng mahigit 100 senior citizen na ang karamihan ay nasa 80-anyos na ang edad.

“Makita lang ng aming mga residenteng elderly ang mga baby ay talagang napapangiti na sila,” ayon kay Kimie Gondo, head ng nursing home.

Sa isang advertising na idinikit sa isang haligi ng establisimento, nakasaad: “We’re hiring!” sa malalaking karakter at ipinapaalam sa mga would-be workers na babayaran sila sa kanilang serbisyo ng mga lampin at powdered milk.

Ang mga matatanggap na sanggol ay iisang lang ang magiging tungkulin: “Take a stroll” sa paligid ng nursing home habang kasama ang kanilang guardian.

“Babantayan naman sila ng kanilang mga ina at para lang silang ipinapasyal habang nagtatrabaho,” dagdag ni Gondo.

Iknatuwa naman ito ng mga residente rito na makakapiling nila ang mga sanggol.

“Napaka-cute nila. Nagpapaalala sila noong may supling ako,” wika ng isa sa mga residente sa panayam ng lokal na television station.

Masasabing ang kakaibang sistemang ito ay nagpapagunita rin sa mga matatanda na napakaligaya sa kanila na may mga apo sila. (ai/mtvn)

Leave a Reply