ALAM BA NEWS: Habal-habal kailangan nang lagyan ng regulasyon

ALAM BA NEWS: Habal-habal kailangan nang lagyan ng regulasyon

Kinalap online ni Cip D.C. Cabrera

Kung hindi isang kaso ng overloadoing ang ginawa ng habal-habal rider na ito sa Cebu, hindi na natin alam ang iba pang maitatawag sa lawaran na ito. (Larawan kortesiya ng OneCebu.com)

CEBU CITY, Cebu — Isa sa nakatutulong sa problema ng transportasyon ng mga commuter ay ang pagkakaroon ng tinatawag na habal-habal o ang sektor ng motorcycle-for-hire na ginagamit ng ilang mga bumibiyahe bilang taksi upang makapunta sa kanilang paroroonan.

Dangan nga lang ay may ilang mga grupo ng habal-habal na napaulat na kung maningil ay sobra-sobra kaya napag-isipan ng isang konsehal sa lungsod ng Cebu na sa pakikipagpulong sa mga habal-habal ay maisusulong niya ang pagtatag ng isang motorcycle-for-hire regulatory board na siyang tutugon sa mga reklamo at usapin ng overpricing at gayundin ng traffic discipline para sa mga abusadong habal-habal na bumibiktima sa ating mga kababayan.

Ayon kay konsehal James Cuenco, chairman ng committee on transportation ng Sangguniang panglunsod ng Cebu, napapanahon na upang ang pamahalaang lungsod ay magpatupad ng regulasyon sa mga habal-habal driver na bumibiyahe sa lungsod.

Kasunod ito ng privilege speech ni konsehal Pastor ‘Jun’ Alcover na humimok sa Sanggunian na pulungin na ang motorcycle-for-hire regulatory board ng Cebu City.

Sinabi ni Alcover na unang inaprubahan ang ordinansa para sa paglikha ng nasabing board noong 1992 at makalipas ang 30 taon matapos isabatas ito, wala pa ring mga kongkretong programa o polisiya ang naibalangkas ng pamahalaang lungsod.

Ikinatuwiran ni Cuenco na ang pagsasaayos ng board ay nasa kamay na ni Cebu City mayor Michael Rama, na kailangan pang tukuyin ang magiging miyembro nito bago masimulan nitong ipatupad ang magiging mandato ng ahensiya.

Sa nakalipas ay marami nang mga nagreklamong pasahero ukol sa labis na paniningil ng kabayaran ng ilang mga habal-habal kaya kinakailangan na ngayong lumikha ang pamahalaang lokal ng fare matrix na gagabay sa mga ito at para na rin sa kapakanan ng mga commuter.

Idinagdag pa ni Cuenco na nararapat na unahin ng board ang paglikha ng database ng lahat ng mga habal-habal driver sa pamamagitan ng paghiling sa mga ito na magparehistro at maging miyembro ng isang driver’s organization saka magsagawa ng mga seminar ukol sa road safety at traffic rules para matiyak ang kaligtasan ng publiko sa mga lansangan.

Isa pang problemang kinakaharap ng mga habal-habal riders ay overloading na kagay ng nasa larawan sa itaas. (ai/mtvn)

Leave a Reply