CLASSROOM PANTRY NAGING SCHOOL PANTRY SA QUIRINO PROVINCE

CLASSROOM PANTRY NAGING SCHOOL PANTRY SA QUIRINO PROVINCE

By Glen S. Ramos

AGLIPAY, Quirino – Si Rafael Gutierrez, 23 anyos at Grade 3 teacher sa Diodol Elementary School sa Aglipay, Quirino ay umani ng papuri dahil sa pagpapatayo nya ng “Classroom Pantry” sa loob ng kanyang klase para sa kanyang mga mag-aaral.

Ayon sa kanya, naglagay s’ya ng isang pantry sa loob ng kanyang classroom ng malaman niya na ilan sa kaniyang mga estudyante hindi kumakain ng almusal o tubig lamang ang laman ng tiyan bago pumasok sa kanyang klase.

“Araw-araw ay tinatanong ko kung ilan sa kanila ang nakapag-almusal at kung anu ang kanilang inulam,” ani Gutierrez.

“Upang mabigyan ng libreng pagkain at matulungan ang mga estudyante ay naglagay ako ng classroom pantry kung saan maaari silang kumuha ng kanilang kakainin.”

Ang laman ng pantry ay tinapay, kape, biscuits, at mga de lata.

Ang pondo na pinambibili ni Gutierrez ay galing sa kanyang sahod. “Naawa ako sa mga bata na itinuturing ko nang mga anak kaya’t hindi ako nagatubili na magtayo ng isang pantry para sa kanila.”

Pagkatapos nitong i-upload ang isang bidyo na nagpapakita kung paano niya inorganisa ang classroom pantry, kabi-kabilaan ang natanggap niyang papuri at ito na rin ang naging hudyat upang mapalawak pa ang kanyang proyekto.

Mula sa simpleng classroom pantry sa kanyang klase, isa na ito ngayong ‘school pantry’ kung saan hindi na lamang mga mag-aaral ng Grade 3 ang maaaring kumuha ng libre sa mga pagkain kundi kahit ibang mga mag-aaral sa ibang baitang ng paaralan.

“May mga boluntaryong nag-abot na po ng tulong after 24 hours po ng pagkakaupload. Magiging pantry na po siya di na lamang po ng mga grade 3 kundi ng buong school po,” kwento niya.

Dagdag pa ni Gutierrez na masaya rin ang kanilang punongguro dahil sa inisyatibo niya na tulungan ang mga mag-aaral sa kanilang paaralan.

Kasama ang kanyang punongguro, lumaki at naging isang school pantry ang kanyang proyekto na kasabay sa kanilang paglulunsad ay ang pamimigay ng school supplies sa 103 mag-aaral mula Grade 1 hanggang Grade 6.

Isang feeding activity rin ang kanilang isinagawa at ayon kay Gutierrez ay plano nilang gawin isang beses sa isang lingo ito.

Nagpapasalamat naman si Gutierrez sa lahat ng mga tumulong sa kanilang adbokasiya na makatulong sa kanilang mga mag-aaral.

“Kung may kakayahan po tayong tumulong, tumulong po tayo, gaano man kaliit o kalaki ‘yan, tulong pa rin at hindi ninyo alam ang maaring maidulot o impact nito sa buhay ng isang tao,” pamamahagi nya. (ai/mtvn)

Leave a Reply