ALAM BA NEWS: Ang mga ‘Sirena’ ng Palawan

ALAM BA NEWS: Ang mga ‘Sirena’ ng Palawan

Ang dugong, o sea cow, na matatagpuan sa karagatan ng Palawan. (Larawan mula sa Dugong Dive Center)

Kinalap online ni Cip D.C. Cabrera

MANILA — Maraming maidadahilan kung bakit mas dapat naising pumasyal sa Puerto Princesa sa Palawan kaysa sa ibang lugar tulad ng popular na Bora-Bora at isla ng Mindoro.

Ang totoo, marami ding magagandang tanawin na maaaring puntahan sa Palawan at isa na rito ay ang lugar na kalapit sa Busuanga na masasabing pinamumugaran madalas ng mga dugong.

Sa alamat, ang mga dugong ay kinokonsiderang mga sirena ng karagatan.

Sadyang pinaigting ang imahinasyon ng tao nang unang makita ang uri ng hayop na ito, na isa sa apat na living species ng order Sirenia, na kinabibilangan din ng tatlong species ng manatee.

Ayon sa mga sinaunang salaysay, hinihikayat ng mga sirena ang mga mandaragat gamit ang kanilang matamis na awit upang lumapit sa kanilang kapahamakan.

Subalit sa ibang mga kuwento, mababait sila dahil nagbibigay sila ng mga regalo at tumutulong sa mga marinerong naaksidente o nalagay sa panganib.

Sa ating kultura, partikular na sa mga Cebuano at mga Waray-Waray, ang mga sirena ay tinatawag na ‘kataw,’ na naninirahan sa karagatan at mga kuwebang matatagpuan kalapit sa dalampasigan.

Sa Palawan, and bersyon ng ‘kataw’ rito ay ang dugong o sea cow. Kung mapapadalaw sa Puerto Princesa, tiyak na maikukuwento sa inyo ng isang lokal ang tungkol sa labi na nadiskubre sa isang yungib kalapit sa ilog dito.

Ang katotohanan ay kalansay ito ng isang dugong, na ayon sa mga eksperto ay aabot sa dalawampung milyong taon ang tanda.

Noong 2011, isang grupo ng mga siyentistang nagmula sa Italya ang nakadiskubreng nasabing fossil ng dugong.

Kabilang ito ng isa sa dalawang species ng sea cow na naglaho na. Naniniwala ang mga eksperto na ang Sirenian order ay nag-evolve mahigit 50 milyong taon nakalipas at ito ang dahilan kung bakit ang pagkakadiskubre ng labi ay mahalaga sa ating kasaysayan, bukod sa ito ang kauna-unahang natagpuan sa Pilipinas at gayun din sa rehiyon ng hilagang-silangang Asya.

Ngayon, kung nais makakita ng dugong, pumunta lang sa isla ng Palawan at tiyak na mamamangha kayo dahil dito matatagpuan ang kawan ng uri ng hayop na ito. (ai/mtvn)

Leave a Reply