ALAM BA NEWS: Ang pagbabawal sa Cigarette Candies

ALAM BA NEWS: Ang pagbabawal sa Cigarette Candies

Kinalap online ni Cip D.C. Cabrera

BAGUIO CITY, Benguet – Naglabas kamakailan ng babala ang Smoke-Free Baguio Task Force ng pamahalaang lungsod sa mga establisimiyentong nagbebenta ng mga candy na hugis sigarilyo para ipaalala ang regulasyon laban dito at gayundin ang mga packaging na tumutulad sa mga popular na brand ng sigarilyo.

Ayon sa SFB Task Force, ang pagbebenta ng tinaguriang mga candy cigarette at paggamit ng mga advertisement na tulad ng sa mga brand ng sigarilyo ay lumalabag sa City Ordinance Number 34, series of 2017, partikular ang bahagi na may kaugnayan sa advertisement at promotion ban.

Para sa kaalaman ng karamihan, ang mga candy cigarette ay uri ng candy na unang inilabas sa merkado noong huling bahagi ng ika-19 na siglo na gawa sa chalky sugar, bubblegum o tsokolate, binalot sa papel at packaged at branded para magmukhang sigarilyo.

May ilan sa mga ito ang naglalaman din ng powdered sugar na hinalo o ginawang pampalasa ng wrapper, upang makalikha ng usok tulad ng sa sigarilyo kapag hinihithit.

Naging kontrobersiyal ang pagbebenta ng sigarilyong candy dahil maraming kritiko ang naniniwala na ito ay nakakapag-desensitize sa mga kabataan na humahantong para maging smoker sila kalaunan sa pagsapit nila sa legal na edad.

Bukod dito, maaari rin umanong magamit ang pagbebenta ng candy cigarette na paraan para mabenta rin ang tunay na mga sigarilyo sa mga kabataan, dahil na rin sa ang branding ng candy ay halos katulad na rin ng mga popular na cigarette brand.

Sanhi ng nasabing mga isyu, ipinagbabawal ang pagbebenta ng candy cigarette sa maraming bansa sa kabila ng patuloy na paggawa at konsumo nito sa ibang bahagi ng mundo. Gayunman, maraming mga manufacturer ang inilalarawan ang kanilang produkto bilang candy stick, bubble gum o simpleng candy.

Sa nakalipas, nakipagkooperasyon ang mga kompanya ng tabako at candy cigarette manufacturers para gumawa ng candy cigarette at pumayag ang mga tobacco company na gamitin ng mga candy cigarette manufacturer ang kanilang mga brand.

Dangan nga lang noong1964 ay lumitaw sa Surgeon General’s Report na ang pagtatambalan ng dalawang sektor ay nakakasira sa kalusugan dahil “nabibitag nito ang mga kabataan na magkabisyo ng paninigarilyo,” kaya sinimulang dumistansya ang mga kompanya ng tabako sa mga gumagawa ng candy cigarette.

Napagalaman sa isang pag-aaral noong 1990 na ang mga sixth grader na kumokonsumo ng candy cigarette ay mas nakakalamang na maging smoker sa kanilang pagtanda kaysa yaong hindi kumakain ng cigarette candy. At sa isa pang pag-aaral noong 2007, 25,887 adult ang napaulat ang “78 porsyento ng mga smoker ay mula sa 88 porsyento ng mga kumonsumo ng candy cigarette.

Halimbawa ng mga candy na hugis sigarilyo na ibinebenta sa lokal na merkado. (Photo courtesy Palawan News)

Leave a Reply