7 miyembro ng BIFF sumuko sa 57th IB sa Maguindanao

7 miyembro ng BIFF sumuko sa 57th IB sa Maguindanao

Ni Arwen Pascua

MANILA — Sumuko ang pitong (7) miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa tropa ng 57th Infantry Battalion sa Barangay Mirab, Upi, Maguindanao kamakalawa.

Kasabay nilang isinuko kay Lt. Col, Guillermo Mabute, Jr., Acting Commanding Officer ng 57IB, ang kanilang mga armas na kinabibilangan ng isang M16 rifle, dalawang M14 rifle, dalawang caliber 50 Barrett, isang M79 grenade launcher, at isang cal. 45 pistol.

Ang mga nagbalik-loob ay iprinisinta kay Joint Task Force Central Commander Maj. Gen. Roy Galido, Col. Ali Luis Macawaris, Deputy Brigade Commander ng 603rd Infantry Brigade, at mga local at provincial officials kamakalawa.

Binati ni Galido ang mga nagbalik-loob sa paggawa ng tamang desisyon, kasabay ng pagsabi na inaasahan niyang susunod din sa kanilang ehemplo ang iba pa nilang kasamahan.

Ang mga huling sumuko ay mga tauhan ni BIFF-Bungos Faction field commander alyas King Fahad, na unang sumuko kasama ang limang iba pang tauhan noong Sabado, Setyembre 24.

Sinabi naman ni Western Mindanao Commander Lt. Gen. Alfredo Rosario, Jr., na ang sunod sunod na pagsuko ng BIFF ay patunay na hindi lang sa labanan nagtatagumpay ang mga sundalo, kundi maging sa pagkuha ng loob ng mga kalaban. (ai/mtvn)

Leave a Reply