7 guro pinarangalan ng Komisyon ng Wikang Filipino

7 guro pinarangalan ng Komisyon ng Wikang Filipino

Ni Arwen Pascua

RMN News Network photo

MANILA — Bilang pagkilala sa maayos at episyenteng pagtuturo ng wikang Filipino sa kanilang mag-aaral, pitong (7) guro mula elementarya hanggang kolehiyo ang kinilala ng Komisyon sa Wikang Filipino bilang Ulirang Guro sa Filipino 2022.

Ang parangal ay ginanap sa Hotel Lucky Chinatown, Binondo, Maynila kahapon, Oktubre 4.

Kinilala ni KWF Tagapangulong Arthur P. Casanova, PhD, ang mga awardee na sina, Gladys M. Jovellano, nagtuturo sa Bagacay Elementary School sa Romblon; Warren A. Norberte, Philippine Normal University; Dr. Alma T. Bautista ng Santos Ventura National Highschool, sa Mabalacat, Pampanga; Dr. Cristina D. Macascas, PNU; DR. Alvin Rom De Mesa, ng Leyte Normal University; Dr. Lita A. Bacalla, ng Cebu Normal University at Dr. Rowena C. Largo ng Cebu Normal University.

Sinabi ni Casanova na napili ang mga guro dahil sa malaking ambag ng mga ito para lumawak ang kaalaman ng kanilang mag-aaral sa tamang paggamit ng wikang Filipino.

Ang mga awardee ay manunulat, edukador at nag-akda ng mga libro para linangin ang kaalawaman sa sariling wika at pangrehiyong diyalekto.

Naging susing tagapagsalita naman si Dr. Felicitas E. Pardo, Metrobank Foundation Outstanding Teacher of the Philippines 1991 at UP-Natatanging Guro Awardee 2013; si Benjamin M. Mendillo Jr., PhD, Fulltaym Komisyoner ng KWF para sa Pangasiwaan at Pananalapi, ang naglatag ng bating pagtanggap habang pinangunahan ni Carmelita C. Abdurahman, EdD, Fulltaym Komisyoner Para sa Programa at Proyekto, ang Pambukas ng Gawad gayundin ang Pampinid na Pananalita.

Inawitan naman ni Angelica Eleazar ang mga awardee at panauhin habang umindak para sa nasabing okasyon ang KWF Bayle. (ai/mtvn)

Leave a Reply