NCRPO sa pumatay kay Percy Lapid: Sumuko ka na!

NCRPO sa pumatay kay Percy Lapid: Sumuko ka na!

By Liezelle Soriano

Yahoo News photo courtesy

MANILA — Binalaan ng National Capital Region Police Office ang pumatay sa radio commentator na si Percival Mabasa, na kilala bilang Percy Lapid, na sumuko sa mga awtoridad habang may pagkakataon pa.

“Ang aking panawagan at pakiusap sa mga bumaril at pumatay kay Percival Mabasa o kilala sa tawag na ‘Percy Lapid’ na sumuko na habang may pagkakataon pa,” ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Police Brig. Gen. Jonnel Estomo.

Inilabas ni Estomo ang babala habang inanunsyo ng pulisya ang pag-neutralize ng isang diumano’y kilalang miyembro ng gun-for-hire at drug dealer sa Quezon City sa panibagong kasong “nanlaban.”

“Huwag nang hintaying mangyari ito at [magtangkang] lumaban sa mga awtoridad katulad ng sinapit ng isang member ng ‘Gun for Hire’ na ito,” ayon sa Metro police chief.

“Inuulit ko ang pakiusap ng ating DILG, Atty. Benjamin ‘Benhur’ Abalos sa pamilya ng mga suspects na ito na boluntaryo nang isuko ang kanilang kamag-anak para sa kanilang kaligtasan,” aniya.

Si Mabasa ay napatay noong Lunes ng gabi sa Las Piñas City.

Sinabi ng isang tagapagsalita ng pulisya na ang pagpatay ay maaaring may kaugnayan sa trabaho.

Nasa P1.5 milyon na ngayon ang pabuya para sa pag-aresto sa killer. (ai/mtvn)

Leave a Reply